KUMUSTA NA KAYA ANG MGA NATURUKAN NG DENGVAXIA?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NAITANONG ko ito dahil bukod sa coronavirus diseases 2019 ay dumarami ang mga kaso ng dengue sa Pilipinas ngayong panahon ng tag-ulan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang parte ng bansa.

Sa report ng Department of Health (DOH), nakapagtala sila ng 45,416 dengue cases mula January 1 hanggang June 11, 2022 at patuloy itong dumarami kaya tuliro ang mga tao dahil may COVID-19 na, may dengue pa!

Ang COVID-19 ay may bakuna na kahit papaano pero may available vaccine ba sa dengue na mas malupit kesa virus na nagsimula sa Wuhan, China, para maproteksyunan ang mga tao?

Kaya natanong ko kung kumusta ang mga naturukan ng dengvaxia dahil base sa mga impormasyon, 733,000 ­hanggang 830,000 ang naturukan ng bakunang ito na karamihan ay mga batang estudyante sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Naging kontrobersyal ang nasabing bakuna dahil sa ­mismong statement ng gumawa ng gamot na Sanofi Pasteur, ay nagbabala ito na ang kanilang dengvaxia ay hindi ­puwedeng iturok sa mga tao na hindi pa nagkaroon ng dengue.

Sumabog ang isyu lalo na nang may mga bata na namatay matapos maturukan ng dengvaxia. Hindi lang ­malinaw ang bilang (ng namatay) pero may mga report noon na mahigit 100?

Tulad ng mga problema, kusang naglalaho sa pagdaloy ng panahon ang kontrobersya sa dengvaxia lalo na’t wala ng balita kung ano na ang nangyari sa 830,000 na nabakuhanan.

Pero ngayong tumataas na naman ang kaso ng ­dengue, naghahanap ulit ang mga tao ng proteksyon lalo na’t sa ­Singapore, mas marami ang namamatay sa dengue kesa sa COVID-19.

Nagagamot naman ang dengue basta maagapan agad pero nakatatakot pa rin dahil kapag malala na ay kailangan ang blood transfusion at ang karaniwang tinatamaan ay mga bata.

Ang mahal ng dugo at kapag rare ang blood type mo tulad ko na AB+ ay yari ka dahil ang hirap hanapin ang ganitong klase ng dugo at bihira na ang nagdo-donate ng dugo ngayon.

Kaya dapat ang isa sa mga dapat bigyan ng atensyon ngayon ng health officials ay maghanap ng gamot na ­pangontra sa dengue na taon-taon ay problema ng lahat na yata ng mga bansa sa mundo.

Kailangan na rin siguro na laging kalampagin ang mga tao na maglinis sa kanilang bakuran dahil napapansin ko, tuwing umaatake ang mga lamok na may dalang dengue ay saka lang sila nagpapaalala na “hoy maglinis kayo!”

Saka lang din kumikilos ang local government units (LGUs) kapag may mga naitalang kaso sa kanilang lugar at magbobomba ng pambugaw ng lamok sa mga komunidad.

Mukhang hindi pinapraktis ng LGUs ang kasabihan na “prevention is better than cure”.

501

Related posts

Leave a Comment