KUNG ANU-ANO ANG INUUNA

MAGING WAIS KA

Minsan mapapaisip talaga tayo kung gaano kalalim na pagsasaliksik at pag-unawa sa pangangailangan ng mga sektor at constituents ang isinasaalang-alang ng a­ting mga mambabatas. Hindi naman pwede na kung anong maisipan at kung anong mabunot na isyu mula sa langit ay basta-basta na lamang gagawan ng panukala. Ngunit nakapagtataka na kung susuriin ang mga panukalang isinusulong sa Kongreso, maaaring nakakatuwa o nakakatawa. Sabi pa nga sa isang komento, parang walang malalang problema ang Pilipinas at kung anu-ano pa ang inuuna.

Kamakailan ay dalawang panukala sa sektor ng edukasyon ang umani ng batikos mula sa netizens, mga estudyante, mga magulang at mismong mga guro. Una ay ang pagbabawal ng gawaing bahay kung saan mapapatawan ng parusa ang mga guro na lalabag dito. Pangalawa naman ay dapat nagsisimula ang klase ng 8:30 ng umaga batay sa pag-aaral na mas maganda ang performance  ng estu­dyante kung hindi masyadong maaga ang pasok.

Kumalat ang mga panukalang ito sa social media. Nakaaaliw basahin ang mga himutok ng mga tao sa comment section ng Facebook.

Mabuti naman ang intensyon ng dalawang batas. Gusto ng No Homework on Weekends Bill na mabigyan ng maraming oras ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang at kaibigan. Ngunit, hindi naman dapat pagmukhain na ang mga guro ang kalaban. Hindi mga guro ang tunay na kalaban sapagkat ibinibigay rin naman ang gawaing bahay upang matuto ang kanilang mga estudyante. Bagkus, maaari rin naman sana magkaroon ng mga gawaing may partisipasyon ang mga magulang. Mas dapat sigurong bigyang pansin ang mga programa at polisiya para sa pagpapatibay ng pamilya at pakikilahok ng magulang sa pag-aaral ng anak. Hindi lamang dapat sila nakikialam sa pagbibigay ng baon at pambili ng mga projects, sa quarterly PTA meetings, bagkus, linangin ang relasyon ng guro at ng mga magulang kung paano mas matutulu­ngan ang isang bata. Hindi rin lahat ng magulang ay  naglalaan ng panahon para sa kanilang mga anak. Iba ang impluwensya ng guro sa paglago ng isang bata, iba rin naman ang sa magulang. Ngunit pareho itong importante.

Kung sisimulan naman ng 8:30 ng umaga ang klase, hindi raw siguro alam ng mambabatas na nag-file ng bill na maraming paaralan ang may shifting sche­dules dahil sa kakulangan ng silid-aralan.

Napakaraming batas na mas napapanahon sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral at ng sektor ng edukasyon. Gaya na lamang ng kakulangan ng gamit, kakulangan ng guro, mga programang maaa­ring sumuporta sa mga matatalino at mahihirap na mag-aaral.

May itataas pa ba ang lebel ng diskurso sa Kongreso na sana ay hindi maging mababaw ang mga batas na hinahain. Hindi kaya’t ang mga taong nasa loob ng Kongreso ay repleksyon din ng kalidad ng edukasyon na mayroon tayo?

Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag email sa Ilagan_ramon@yahoo.com or magmensahe sa FB: Mon Ilagan Account Two (Maging waIs Ka! /  MON A. ILAGAN, MPM)

166

Related posts

Leave a Comment