Kung wala si Tatang, wala si Lydia de Vega!

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

“WITHOUT Tatang there would be no Lydia de Vega.”

Ito ang naging pahayag ni Lydia mismo noong ­burol ng kanyang ama at coach na si Francisco ­”Tatang” de Vega, 12 taon na ang nakalilipas. ­Pumanaw si Tatang noong 2010 sa araw mismo ng kapanganakan ni Diay (Disyembre 26).

Nagpunta sa burol ang inyong lingkod kasama si basketball “Living Legend” Robert Jaworski sa tahanan ng mga De Vega sa Barangay Calvario, Meycauayan, Bulacan para makiramay at magbigay ng huling pagpupugay sa taong humubog sa ­kanyang anak na tinaguriang ‘Asia’s Sprint Queen.’

“Very strict, super strict. Super-duper, I tell you,” paglalarawan ng ‘Fastest Woman in Asia’ sa kanyang Tatang at personal coach habang umiiyak sa harap ng maraming nakikiramay na kapitbahay, kaibigan, at mga kapwa atleta. “Sa buong buhay ko bilang atleta, from the time I started trying my luck as a runner when I was 12 until the time I retired 17 years later in 1995, I really felt how strict a disciplinarian Tatang was.

“There were times when I blamed myself for choosing track and field as my vehicle to be able to study and as a way of life. Pero in the end, noong ­nalasap ko na ang prutas ng lahat ng aking paghihirap … aming paghihirap na dalawa, by winning ­medals after medals and breaking Philippine, Southeast Asian Games and Asian Games records, nawala lahat ang paghihirap ko, nawala lahat ng mga ­sakripisyo.

“In the end, I would tell myself, and those who cared to listen, tama pala si Tatang. Yung mga ginawa niya sa aking pagpapahirap to attain excellence, tama lahat. I was hailed, not only by our countrymen, but likewise by our neighbors in the region.”

Patuloy pa niya, “I was even regarded, not only as Queen of Sprint, but also ‘Darling of Asian ­Athletics.’ And when I finally hung my running sneakers, I told everybody head up high whenever I was asked to speak in any gathering, kung wala si Tatang, walang Lydia de Vega.”

Totoo naman ang mga sinabi ni Diay, biniyayaan ng Diyos ng dalawang anak sa kabiyak na si Paolo, patungkol sa kanyang ama. Maaaring sa mata ng publiko, istrikto si Tatang, ngunit gusto niya lang ­mapabuti ang kanyang mga anak sa asawang si Mary.

“All those who witnessed how he brought me up as an athlete, nagsabing malupit siya. Napakalupit. Even I, myself, at the height of my popularity and career, thought at times that he was cruel.

Too cruel, in fact, considering that I am his daughter. He controlled my life. Gusto niya sundin ko lahat ng mga sinasabi niya. Wala siyang mali sa ginagawa niya sa akin.

“Siyempre umiiyak ako. There were times I felt I was dying. Each and every workout, I have to ­finish. Walang pahi-pahinga. ‘Pag nagkamali, sasaktan, sasabihan ng masasama,” pagtatapat ng kauna-unahang babaeng nagwagi ng dalawang sunod na gintong medalya sa kanyang paboritong 100m dash noong 1982 at 1986 Asian Games.

“During training, ‘di dapat makipagtawanan. ‘Di dapat makipagkuwentuhan. Kailangan 100 percent naka-focus sa ensayo. Walang dapat isipin. Kahit
tapos na ang ensayo, bawal sa aking makipag-usap sa lalaki. Kahit sa bahay ‘di dapat tumanggap ng manliligaw. Bawal akong ligawan.

“I felt so bad day in and day out while training. First, training is not that easy. Sumusuka ako na walang maisuka, nahihilo, nahihirapang huminga,” pag-amin ni Diay. “Pero pagkatapos ng workout, masarap na rin ang pakiramdam that I have ­accomplished something in the day. I realized na ginagawa niya sa akin yun so I can hone my running skills, which no doubt I did.”

At habang ang kanyang buhay bilang atleta ay punong-puno ng sakripisyo, ganoon din si Tatang.

“Magkasama kami maghapon. Studies in the morning, training in the afternoon until early evening. FEU, Rizal Memorial, bahay. Yun ang naging buhay naming dalawa sa loob ng 17-year career ko,” wika ni Diay. “May kasabihan: ‘pinapalo natin ang anak natin hindi sa galit tayo sa kanila, but to get the best in them,’ di ba? Pinupukpok natin ang alimango hindi dahil galit tayo dito, but para makuha ang masarap na laman nito. Ganun ang naging reaksiyon naming lahat na magkakapatid sa mga ginawa ni Tatang.”

Kaya pagmamalaki niya, “we all grew up and ­become good citizens in the community. Wala sa aming nagloko. Ako, siyempre sumikat because I excelled in my chosen career. My brothers became good ­husbands and fathers, and my sisters good wives and mothers. All because Tatang made us toe the line. Sinunod namin ang lahat ng gusto niya.”

Sa kabila ng lahat, si Tatang ay mapagmahal at protective lang, ayon kay Diay. “Yung pagmamahal niya sa amin, hindi makikita pero mararamdaman. Dahil siguro sa dati siyang pulis. Kaya naman walang ­sinuman ang nagtangka ng masama sa aming pamilya niya.”

Ngayon, wala na rin si Diay. Natalo siya sa ­kanyang kahuli-hulihan at pinakamabigat na laban sa breast cancer. Naihatid na rin siya sa kanyang huling hantungan nitong Miyerkoles, sa tabi ng puntod ni Tatang.

Para sa kolumnistang ito, kay Jawo at sa mga nakasaksi sa pagsisimula hanggang sa pagsikat ni Diay bilang trackster, lahat kami ay magpapatunay na “kung wala si Tatang, wala rin Lydia de Vega.” I have said this many times before and I am ­saying this again, kung hindi dahil kay Tatang, walang karangalan marahil na matatamo ang Pilipinas sa track and field. Ipinagmamalaki ko yan habang ako’y nabubuhay. “Tatang is the best track and field coach, this country ever had,” kahit wala siyang diploma o formal training bilang coach.

266

Related posts

Leave a Comment