(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG hamon kay Senador Manny Pacquiao ang pinakawalan ng ilang mambabatas sa Kamara na pangunahan ang imbestigasyon laban sa mga inaakusahan niya ng korapsyon sa pamahalaan.
Umaasa ang militanteng mambabatas na si Rep. Ferdinand Gaite na makapagde-deliver ng ‘knockout punch’ si Pacquiao sa mga corrupt official sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gaite ng Bayan Muna party-list, kailangang seryosohin ni Pacquiao ang kampanya nito laban sa katiwalian sa gobyerno dahil lahat aniya ng mga tao ay nag-aabang sa resulta ng kaniyang pinasukang bakbakan.
Magugunita na bago umalis Pacquiao patungong Amerika para paghandaan ang kanyang laban sa boksing sa Agosto, isiniwalat nito ang mga katiwalian sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may kinalaman sa ayuda; Department of Health (DOH) at Department of Energy (DOE).
Tugon ito ng senador sa hamon ni Pangulong Duterte na maglabas ng ebidensya ng katiwalian sa gobyerno dahil kung hindi ay ikakampanya niya umano ito na huwag iboto sa 2022 election.
“Babantayan natin ang development sa issue na ito, especially itong sa usapin ng ayuda dahil talagang napakaraming kababayan natin ang hindi talaga nakatanggap nito. Hopefully Sen. Manny can deliver the knockout punch dito sa mga inaakusahan niyang korap,” ani Gaite.
Inaabangan din umano ng Makabayan bloc kung anong aksyon ang gagawin ni Duterte sa mga opisyal ng mga nabanggit na ahensya lalo na ang DSWD base sa isiniwalat ni Pacquiao.
“Itutulak rin ba niya ang imbestigasyon sa kanyang mga tao? Susuportahan ba niya itong pagsisiwalat sa katiwalian o tututok pa rin siya sa pagbira kay Sen. Pacquiao dahil nakikita niya ito bilang isa sa posibleng kalaban ng kanyang manok sa eleksyon?,” tanong ni Gaite.
Para naman kay House committee on good government and public accountability chairman Michael Edgar Aglipay, dapat maghain si Pacquiao ng resolusyon para imbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang kanyang mga alegasyon ng katiwalian sa gobyerno.
“Senator Pacquiao’s allegations against DSWD over the missing P10.4 billion pesos meant for ayuda, as well as corruption in the DOH, DOE, and DENR are a very serious matters, and should be coursed through formal channels by way of a resolution, which he should file before their own Senate blue ribbon committee under Senator Gordon,” ani Aglipay.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa press conference lamang isiniwalat ni Pacquiao ang kanyang alegasyon laban sa mga nabanggit na ahensya.
“We at the house have utmost respect towards Sen. Pacquiao and our other colleagues at the Senate. We honor inter parliamentary courtesy, but at the same time believe that the good Senator should file a resolution to investigate the alleged corruption,” ani Aglipay.
