UMAASA si Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar, na higit na pagbubutihin ng Special Action Force (SAF) sa ilalim ng bagong pinuno nitong si Brigadier General Felipe Natividad.
Kahapon, nanumpa si Natividad sa harapan ni Eleazar bilang kapalit ni Major General Bernabe Balba.
Si Natividad ay tinanggal mula sa pagiging direktor ng PNP-Region 4-A o Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) upang maging SAF director.
Naging hepe rin siya ng Calabarzon noong termino ni dating PNP chief General Debold Sinas.
Nagtapos siya sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1990 at napabalitang pamangkin ni Interior Secretary Eduardo Ano.
Si Balba na nagtapos sa PMA noong 1988 ay itinalaga ni Eleazar bilang direktor ng PNP – Directorate for Integrated Police Operations – Visayas.
Sa panunumpa ni Natividad sa tanggapan ng SAF sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig, idiniin ni Eleazar na: “I am confident that under your leadership, the SAF will maintain its earned reputation of being the most dependable and highly-specialized force that aims to ensure peace and order across the country”.
Ipinaalala rin ni Eleazar kay Natividad na ang “Special Action Force is the representation of what is the best of the Philippine National Police”.
Si Natividad ay pamoso sa kampanya laban sa mga terorista mula noong pinuno siya ng PNP sa Bohol kung saan ‘tinapos’ niya ang pangkat ng Abu Sayyaf hanggang sa pagiging hepe ng PNP-Calabarson kung saan siyam na teroristang komunista ang namatay nang sabay-sabay noong Marso at binansagang “Bloody Sunday”.
Si Brigadier General Eliseo DC Cruz ng PMA 1990 ang humalili kay Natividad sa Calabarzon mula sa pagiging direktor ng Southern Police District (SPD) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Proteksyon kay Non
Samantala, iniutos ni Eleazar sa kanyang mga tauhan na imbestigahan at tuntunin kung sino ang nasa likod ng mga pagbabanta kay Maginhawa, Quezon City community pantry organizer Ana Patricia Non.
Diumano, nakatanggap ang dalaga ng mga pagbabanta na gagahasain at papatayin.
Tiniyak ni Gen. Eleazar na handa silang tulungan ang nasabing community pantry organizer at pinayuhan din ito na maghain ng reklamo sa pinakamalapit na police station at isumbong ang nararanasan umanong harassment.
“Nakahanda po ang PNP na tulungan si Ms. Non lalo na kung may banta sa kanyang buhay. Maaari siyang dumulog sa pinakamalapit na police station para ireport itong mga threats na natatanggap niya at agad na maimbestigahan ng ating kapulisan kung sino ang gumagawa ng mga ito,” ani Eleazar.
“Huwag po siyang magdalawang-isip na lumapit sa ating mga awtoridad dahil sinisiguro ko sa kanya na aaksyunan ng PNP ang kanyang mga hinaing o reklamo,” dagdag pa ng heneral.
Intensified Cleanliness Policy
Matapos italagang pinuno ng Pambansang Pulisya, binisita ni Gen. Eleazar nitong Lunes ang Police Regional Office 4-A o Calabarzon.
Sa kanyang talumpati, binanggit ng ika-26 PNP chief ang kanyang mga programang ipatutupad sa ahensya. Isa na rito ang Intensified Cleanliness Policy upang makamit ang maayos na serbisyo publiko.
Paglilinaw ng opisyal, hindi lang paglilinis sa ahensya ng kapulisan ang nais niyang ipatupad kundi maging sa bakuran mismo o mga police station dahil para ito sa kanilang magandang reputasyon.
“Hinahamon ko ang bawat isa sa inyo na gawin ang inyong tungkulin nang may mabilis na aksyon upang maresolba agad ang anomang mga problema bago pa ito lumala,” aniya.
Iginiit din ni Eleazar na dapat palakasin ang mga dati nang ordinansa maging ang kampanya laban sa droga at kontra-terorismo.
Si Eleazar ay tubong Tagkawayan, Quezon at matagal ding naglingkod sa PRO4-A. (NELSON S. BADILLA/JESSE KABEL/CYRILL QUILO)
240 