LUSOT na sa Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Ito ang ikalawang beses na dininig ng CA ang pagkakatalaga kay laguesma matapos kapusin ng oras noong nakaraang linggo para sa pagtatanong ng mga mambabatas sa kalihim.
Sa CA hearing, kabilang sa mga naitanong kay laguesma ang kapakanan ng mga delivery riders na itinuring na pandemic heroes ng bansa dahil sa tulong nila sa ekonomiya nitong pandemya.
Ayon kay Laguesma, sang-ayon sila sa konsultasyon at sa pagbibigay ng proteksyon at employment compensation sa mga delivery riders.
Pero iminungkahi ng kalihim na bukod sa delivery riders ay dapat na ring isama sa ganitong konsultasyon ang mga on-account workers at mga online traders.
Samantala, naniniwala rin ang kalihim na mas mainam na approach pa rin ang regional wage fixing.
Ipinaliwanag ni laguesma na ang ganitong paraan ng pagdedesisyon ng pasahod ay makapagbubukas ng pagkakataon sa mga kanayunan na umunlad.
Hindi naman aniya pare-pareho ang sitwasyon, kakayahan at imprastraktura ng mga kanayunan, lalo na kumpara sa mga lungsod.
Kaya kung ipapareho aniya ang sweldo sa lahat ng lugar, maaaring lumiit ang pagkakataon ng mga rehiyon sa labas ng NCR na makahikayat ng mga lokal o dayuhang mamumuhunan.
Sa huli, tiniyak ng bagong DOLE secretary na bukas ang kanyang tanggapan sa anumang pangangailangan ng mga manggagawa at employer. (Dang Samson-Garcia)
