LABOR STRIKES ‘DI PIPIGILAN SA ANTI-TERROR LAW

HINDI kasali sa parurusahan ng Anti-Terrorism Law ang freedom of speech, expression at assembly kabilang ang labor strike dahil pinoprotektahan ito ng Saligang Batas, ayon sa paglilinaw ni Senador Panfilo Lacson.

Sa panayam, sinabi ni Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na maliwanag ang mga depinisyon sa batas hinggil sa pangangalaga ng karapatan ng mamamayan tulad ng nabanggit sa Konstitusyon.

“Maliwanag ang nasa definition at sa mga safeguard. Ang legitimate dissent, freedom of expression, freedom of assembly pati labor strikes, di kasama. Kasi ang nagba-bound dito, ang intent and purpose at may context ito kung saan pwede makasuhan ang tao,” paliwanag ni Lacson.

Naniniwala si Lacson na kapag tuluyan nang naisabatas ang panukala, tiyak na mababawasan ang terorismo tulad nang ginawa ng Maute Gang sa Marawi City at paghahasik ng karahasan ng Abu Sayyaf Group sa Mindanao.

“Tama yan. Kasi magiging proactive na. Alam mo nang naipasa ang HSA of 2007, iisa pa lang ang conviction na naganap dito. Ito ang 2018, iisa pa lang ang terrorist organization na na-proscribe, ito ang Abu Sayyaf. After ASG, after 8 years, at conviction after 11 or 13 years. So ang observation dito ng nakararami, dead letter law ang HAS (Human Security Act),” ayon kay Lacson.

Ipinaliwanag pa ni Lacson na parang patay na batas ang HSA na pinatotohanan ng ilang resource person sa isinagawang pagdinig habang hinihimay ang panukala.

Sinabi pa ni Lacson na kahit umiiral ang warrantless arrest, surveillance sa bans, hindi naman binago ang pangangailangan para magsagawa nito. Estong Reyes

127

Related posts

Leave a Comment