SABAY namang naghain ng COC sina Manila City Vice Mayor Honey Lacuna – Pangan at Congressman Yul Servo na sasabak sa pagka-alkalde at bise alkalde sa May 9, 2022 election.
Alas-9:36 ng umaga, pormal na isinumite nina Lacuna at Servo ang kanilang COC sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros.
Si Lacuna, anak ni dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna ay isang doktor at siyang nangangasiwa sa COVID-19 vaccination sa lungsod kaya’t binansagan siyang ‘Honey Bakuna’ ni Manila Mayor Isko Moreno, na tatakbo naman sa pagkapangulo sa susunod na halalan.
“Mga batang Maynila, samahan po ninyo ako. Gumawa po tayo ng kasaysayan sa Lungsod ng Maynila. Bigyan natin ang kapitolyo ng ating bansa ng isang pinuno na may puso ng isang ina, pagmamalasakit ng isang doktora. Handang-handa nang yakapin ang responsibilidad at harapin ang hamon ng pagiging kauna-unahang babaeng alkalde ng lungsod,” bahagi ng pananalita ni Lacuna. (RENE CRISOSTOMO)
240 