AGAD binawian ng buhay ang isang lady presiding judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) matapos barilin ng kanyang chief clerk of court na kalaunan ay nagbaril din sa sarili sa loob mismo ng kanilang tanggapan sa ikalimang palapag ng Manila City Hall, sa Ermita, Manila hapon ng Miyerkoles.
Bagaman naisugod pa sa Manila Doctors Hospital ay hindi rin naisalba ang buhay ni Manila RTC Branch 45 Presiding Judge Maria Theresa Abadilla dahil sa tama ng bala sa katawan.
Nasawi rin ang suspek na si Atty. Amador Rebato, 42, na sinasabing nagbaril sa sarili at tinamaan ng bala sa kaliwang tenga.
Sa inisyal na ulat mula sa Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), naganap ang murder-suicide, bandang 2:45 ng hapon sa loob mismo ng opisina ni Abadilla sa Room 535, 5th Flr. ng Manila City Hall.
Nabatid sa ilang saksi, naulinigan nilang nagtatalo sina Abadilla at Rebato na sinundan ng magkasunod na putok ng baril.
Nang tingnan ng mga staff kung ano ang nangyari ay dito na tumambad sa kanila ang duguan at nakahandusay na si Abadilla habang duguan din si Rebato na nakasuot ng face mask at nakaupo sa harap ng mesa ng judge.
Ayon sa mga awtoridad, kagagaling lamang umano sa COVID-19 ni Rebato at nagpapaalam ito sa hukom nang maganap ang krimen. Inaalam pa kung ano ang pinag-ugatan ng pagtatalo ng dalawa. ( RENE CRISOSTOMO)
378 