IGINIIT ng pinuno ng Unified Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na nararapat isapubliko ng lahat ng opisyal ng pamahalaan ang kondisyon ng kanilang kalusugan, lalo na ang pangulo ng bansa.
Kung tutuusin, “obligasyon” ang pagpaparating sa publiko ng tunay na kalagayan ng kalusugan ng mga opisyal, lalo na sa pangulo ng bansa, banggit ni Rodolfo “RJ” Javellana.
Muling naging malaking isyu ngayon ang tunay na kalagayan ng pangangatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang pumutok ang balita nitong Agosto 15 na itinakbo ito sa Singapore
upang magpagamot sa kanyang sakit.
Tahasang itinanggi ito ni Duterte mismo at ng kanyang tagapagsalita na si Harry Roque Jr.
Idiniin din ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), na “constitutional duty” ang pagsisiwalat sa publiko ng tunay na kondisyon ng kalusugan ni Duterte.
Ang totoo, mayroong nakabinbing mosyon sa Korte Suprema na humihiling kay Duterte na isapubliko ang kalagayan ng kalusugan nito.
Ang batayan ng mosyon ay ang nakasaad sa Saligang Batas.
Dahil sa mga bali-balitang ito, sinasabi ng ilang abogado na importante na ilabas na ni Supreme Court Justice Marvic Leonin ang desisyon ng mataas na korte bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) tungkol sa electoral protest ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban kay Bise Preisdente Ma. Leonor “Leni” Robredo upang maiwasan ang “constitutional crisis” sa posisyon ng pangulo.
Idniin nila na labag sa Saligang Batas kung papalit si Robredo bilang panngulo, sapagkat wala pang “pinal” na desisyon ang PET. (NELSON S. BADILLA)
