MARINDUQUE – Nauwi sa trahedya ang camping ng isang magkasintahan nang pasukin sila sa kanilang tent ng hindi kilalang suspek at parehong pinagsasaksak na ikinamatay ng lalaki habang ginahasa naman ang babae sa insidenteng nangyari sa bayan ng Boac sa lalawigang ito, noong Biyernes.
Ayon sa Boac Police, nangyari ang insidente sa tabing dagat sa Barangay Ihatub kung saan nagka-camping ang magkasintahan na isang 21-anyos na lalaking estudyante at 17-anyos na babae.
Sinabi ni P/Maj. Jerome Mendiola, pasado alas-5:00 ng ng umaga nang makita ng driver ng isang delivery van ang sugatang biktimang babae sa highway kaya agad itong isinugod sa ospital sa Boac.
Nabatid sa imbestigasyon, kuwento ng babae, dakong alas-1:40 ng madaling araw nang pasukin ng nag-iisang suspek ang kanilang tent.
Agad umanong pinagsasaksak ng suspek ang lalaking biktima habang tumakbo namang palabas ang babae. Subalit hinabol ito ng suspek at pilit pinaghubad, ginahasa saka pinagsasaksak.
Pagkaraan ay kinulimbat ng suspek ang mga cellphone at pera ng mga biktima at saka tumakas.
Base sa pagsisiyasat ng SOCO, tinamaan ng 10 saksak sa katawan ang lalaki na agad nitong ikinamatay sa loob ng tent.
Nagkaroon naman ng siyam na saksak sa katawan at leeg ang babaeng biktima.
Ayon pa sa pulisya, posibleng inakala ng suspek na patay na ang babae kaya binuhat niya ito at ibinalik sa tent.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Boac PNP upang mabatid ang pagkakakilanlan sa suspek.
Nanawagan ang pulisya sa posibilidad na mga witness na makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek.
Inaalam din ang motibo sa krimen dahil ayon sa pulisya bukod sa nawalang mga gamit ay nakapagtatakang tinadtad ng saksak ng suspek ang dalawang biktima. (NILOU DEL CARMEN)
331
