SINUYOD ng AKO-OFW Party-list ang bawat sulok ng Lumban, Laguna bilang bahagi ng “Biyaheng Kongreso Caravan ng AKO-OFW,” kung saan nagsagawa sila ng kanilang house to house tour kasama ang pinaka-popular na kakandidatong mayor na si Wendy “Love U All” Samonte.
Dito, personal na inendorso ni Samonte sa kanyang mga kababayan sa Lumban ang AKO-OFW Party-list upang ipalaganap pa ang mga nais maisabatas ng nasabing partido.
Pangunahin kasi sa plano ni AKO-OFW Party-list 1st Nominee Dr. Chie Umandap ang pagpapatayo ng kauna-unahang “Remote Filipino Workers Digital Creative Hub Building” sa bayan ng Lumban upang magsilbing pilot project nito para sa pagpapalaganap ng trabaho para sa mga taga-Lumban sa pamamagitan ng digital o remote works.
Ayon kay 1st nominee at AKO-OFW Chairman Dr. Chie Umandap, sa pag-upo ng AKO-OFW Party-list sa Kongreso at ni Mayor “Love U All” Samonte sa bayan ng Lumban, ay isusulong nito ang pagpapalakas ng Remote Filipino workers kung saan magbibigay ito ng Digital Creative training at co-working space para sa mga taga-Lumban na nais magkaroon ng trabaho.
Ito’y upang ihanap ng employers at kumita ng dolyar mula sa ibang bansa na hindi nila kinakailangang maging OFWs o kahit narito lamang sa Pilipinas.
Dito mas magkakaroon ng oras sa pamilya at hindi na kailangan pang lumayo ng ating mga kababayan o lumabas sa ibayong dagat para lamang magtrabaho.
Bukod pa rito, inikutan din ng AKO-OFW ang Sta. Cruz at Bae sa Laguna at nakipagdaumpalad sa mga kababayan natin doon.
Samantala, nagpasalamat naman ang AKO-OFW Party-list sa lahat ng nakiisa at nakisaya sa pag-iikot gayundin sa mga nagsabing ang 116 AKO-OFW ang kanilang iboboto sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
