LALAKI SINAKSAK SA ULO NG LIVE-IN PARTNER

LEYTE – Inoobserbahan sa pagamutan ang isang lalaki na sinaksak sa ulo ng kanyang live-in partner habang nasa gitna ng masayang inuman na nauwi sa pagseselos ng biktima sa kanilang bahay sa Sitio Taytay, Barangay Buenavista sa bayan ng Alangalang sa lalawigan.

Ayon sa Alangalang MPS, nangyari ang pananaksak bandang alas-8:30 ng gabi noong Linggo sa biktimang kinilalang si alyas “Del,” laborer, habang nakikipag-inuman sa live-in partner na si alyas “Lani,” 36-anyos.

Lumitaw sa paunang imbestigasyon, nagtalo ang dalawa nang magselos umano si Del sa isang alyas “Aljur” na hinihinalang karelasyon ng kanyang misis.

Bigla umanong itinaob ng lalaki ang mesa na nagresulta sa komprontasyon at sa tindi ng galit ng babae ay dumampot ito ng kutsilyo at sinaksak si Del sa ulo.

Agad isinugod ang biktima sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Alangalang para malapatan ng lunas.

Mabilis namang nadakip sa hot pursuit operation ng mga tauhan ng Alangalang Municipal Police Station ang suspek na kasalukuyan nang nakadetine habang inihahanda ang kahaharapin nitong kaso.

(JESSE RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment