NAIPASA ng Pamahalaang Panlalawigan ang ISO 9001:2015 Quality Management System Certification Audit nitong ika-25 ng Marso 2025.
Ito ay matapos ang mahabang paghahanda at dalawang araw na masusing pagsusuri ng Certification Partner Global (CPG) FZ LLC.
Ang Certification Partner Global (CPG) ay isang nangungunang certification company na nakatuon sa pagbibigay ng mga serbisyong pagsasanay at sertipikasyon tungkol sa sistema ng pamamahala sa mga Industriya, Komersyo, at Gobyerno.
Matatandaan na nitong nakaraang Enero 16, taong kasalukuyan ay nakapasa ang Provincial Government of Quezon sa Stage 1 Initial Audit ng naturang certification company at ito ang naging daan upang makapagpatuloy sa ikalawa at huling yugto ng proseso bago makamtan ang sertipikasyon.
Sa isinagawang Stage 2 Certification Audit, naging mas komprehensibo at kritikal ito sapagkat sinusuri kung maayos bang naipatupad ang mga patakaran, pamamaraan, at proseso sa Stage 1 Audit at kung natutugunan ba ng organisasyon ang mga clauses ng ISO 9001:2015. Sinusuri rin dito kung naabot ba ng organisasyon ang mga itinakdang performance indicator at kung may sapat na ebidensyang nagpapatunay sa pagsunod.
Ang pagkakapasa sa yugtong ito ay magdudulot ng positibong epekto sapagkat magtataas ito ng tiwala at kredibilidad ng buong Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon. Magbibigay rin ito ng isang solidong pundasyon para sa higit na pagpapabuti ng mga serbisyo at operasyon kasabay nang pagpapalakas ng pangkalahatang pamamahala sa nasabing lalawigan.
Samantala, sa mensahe naman ni Quezon Governor Doktora Helen Tan, kanyang binalikan ang mga pinagdaanan ng Pamahalaang Panlalawigan bago makamit ang tagumpay at lubos na pinasalamatan ang lahat ng matiyagang nakiisa at nakipagtulungan upang maipasa ang Quality Management System Certification Audit.
