KINONDENA ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang plano ng Department of Transportation (DOTr) na itaas ng halos 50 porsyento ang airport terminal fee, at iginiit na hindi dapat ipasa sa mga pasahero ang dagdag na gastusin.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng LCSP na “masyadong mataas ang 50 porsyentong terminal fee hike. Hindi porke’t nag-eeroplano ang isang commuter ay madali na para sa kanya ang dagdag na pasanin ng mas mataas na singil.”
Binigyang-diin ng grupo na maraming mananakay ang gipit din sa budget, dahilan kung bakit mas pinipili nila ang mga “budget airlines” upang makatipid sa pamasahe. Anila, hindi makatarungan na pasanin pa ng mga pasahero ang gastusin para sa planong pagpapa-renovate o pagpapahusay ng mga paliparan.
“Sa panahong mataas ang presyo ng bilihin, mas lalo lamang iindahin ng ating mga kababayan ang sobrang taas ng singil na ito,” ayon sa LCSP.
Dagdag pa ng grupo, mas dapat tutukan ng DOTr ang matagal nang hiling ng publiko gaya ng pagbaba ng pasahe sa mga tren at pagdisenyo ng mga estratehiya upang mapaluwag ang matinding trapiko sa mga kalsada.
Samantala, kinilala ng LCSP ang panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) laban sa terminal fee hike at sinabing “napapanahon at kailangang suportahan” ang mga isyung kanilang inihahain.
(PAOLO SANTOS)
91 