LEARNING POVERTY SA PINAS LUMALA – WB

(ESTONG REYES)

IKINABABAHALA ni Senador Win Gatchalian ang isang ulat ng World Bank na nagsasabing lumala ang “learning poverty” sa bansa o umabot na ito sa siyamnapung (90) porsyento.

Itinuturing na learning poverty kapag hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kwento ang bata sa edad na sampu.

Sinasalamin ng bagong naitalang learning poverty ang datos mula sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), isang assessment report sa buong rehiyon.

Noong 2019, ang learning poverty na naitala sa bansa ay halos pitumpung (69.5) porsyento batay sa mga naging resulta ng 2003 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na isa ring international assessment.

Kung ihahambing sa face-to-face classes bago sumiklab ang pandemya ng COVID-19, mas nahihirapan ang mga mag-aaral sa distance learning, ayon sa ulat ng World Bank.

Sa ulat na pinamagatang “Remote Learning During COVID-19: Lessons from Today, Principles for Tomorrow,” tinatayang dalawampung (20) porsyento lamang ng mga sambahayan sa bansa ang saklaw ng distance learning buhat noong Marso 2021 tulad ng naitala sa bansang Ethiopia. Ito ang pinakamababang porsyentong naitala sa mga bansang saklaw ng ulat.

“Nakakabahalang malaman na siyam sa bawat sampu sa ating mga kabataang may edad na sampu ang hindi nakakapagbasa, lalo na’t nagsisilbi itong pundasyon ng kanilang kakayahan. Kung hindi natin ito matutugunan, lalong mapag-iiwanan ang ating mga kabataan,”ani Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng ulat na dapat bigyang prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes.

Dapat din aniyang magdagdag ng pilot schools imbes na hintayin ang nakatakdang pagpapalawig ng dry run sa Marso ng susunod na taon.

Kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan, ipinapanukala ni Gatchalian ang pagkakaroon ng learning recovery program.

Sa Senate Bill No. 2355, ipinanukala ni Gatchalian ang pagbuo sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na saklaw ang tinatawag na most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10. Layon ding tutukan ng panukalang programa ang Pagbasa o Reading.

Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng panukalang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2). Layunin ng naturang komisyon na repasuhin ang buong sektor ng edukasyon sa bansa.

Ibinahagi rin ng World Bank na kung ihahambing sa mga sambahayang may mga magulang na nakatuntong sa kolehiyo, mas mataas ng tatlo hanggang apat na beses ang posibilidad na hindi lalahok sa distance learning ang mga batang may magulang o guardian na hindi nakapag-aral.

Hindi nagulat

Samantala, para sa isang mambabatas sa Kamara, hindi na nakagugulat ang nasabing report ng World Bank dahil hindi aniya binigyan ng Duterte administration ng importansya ang sektor ng edukasyon.

Maging ang report ng WB na 20 porsyento lamang sa mga pamilyang Pilipino ang nagkaroon ng access sa edukasyon ay hindi na bago kay ACT party-list Rep. France Castro.

Ani Castro, hindi lamang ang mga estudyante ang pinabayaan ng pamahalaan kundi ang mga guro.

Kulang na kulang na niya ang suporta na binibigay sa mga guro at ginigipit pa ang benepisyo ng mga ito kaya kanya-kanyang diskarte sila para masiguro lamang na may modyul ang mga bata sa panahon ng pandemya.

Kung simula pa lamang umano ay binigyan na ng sapat na pondo para sa textbooks at modules, internet allowance at gadget ang mga teacher at mag-aaral, posibleng hindi maihanay ang bansa sa Ethiopia kung saan hindi nakakabasa ang 90% sa mga estudyante kahit 10-anyos na ang mga ito.

“Kung binigyan ng sapat na badyet ang mga paaralan para siguraduhin na ang kanilang mga pasilidad ay angkop para sa ligtas na pagbabalik-paaralan ng mga mag-aaral, hindi na siguro nagtagal pa na sarado ang ating mga paaralan at mas madaling nakapag-adjust at adapt ang ating sistemang pang-edukasyon sa kabila ng pandemiya ng COVID-19,” paliwanag pa ng mambabatas.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa Department of Education (DepEd) na huwag nang sisihin ang WB dahil hindi umano sila kinonsulta bagkus i-lobby sa Senado na buhusan pa ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon.

“Wag na magturuan kung sino ang may sala sa mababang rating ng ating bansa. Stop being onion-skinned with the publication of a report that simply reflected the realities of the education situation in the country and do its job,” dagdag pa ng lady solon. (BERNARD TAGUINOD)

232

Related posts

Leave a Comment