LEARNING RECOVERY PINASISIMULAN

“KAHIT tuluyan na nating masugpo ang COVID-19, patuloy pa rin tayo sa pagtugon sa mga pinsalang idinulot ng kawalan ng face-to-face classes. Bukod sa pag-urong ng kaalaman, kabilang din dito ang pag-akyat ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at ang pagdami ng mga batang ina.”

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian na siyang matagal nang nagsusulong ng localized limited face-to-face classes para mapabilis ang “learning recovery” ng mga mag-aaral.

Sa pamamagitan ng “Proposed Senate Resolution (PSN) No. 663 taking into consideration PSN 668,” isinusulong ng Senado ang rekomendasyon na simulan na ang localized limited face-to-face classes sa mga lugar na tutukuyin ng Department of Education (DepEd) bilang low-risk area. Si Gatchalian ang isa sa mga may akda at sponsor ng naturang resolusyon.

Ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa panukalang pilot testing ay boluntaryo at dapat may pahintulot ng kanilang mga magulang o guardian.

Ayon din sa resolusyon, makatutulong sa DepEd ang pilot testing na matukoy ang mga hakbang upang masiguro ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagtiyak na may sapat at malinis na tubig, handwashing stations, sapat na suplay ng sabon, alcohol, at iba pang mga kagamitan sa paglilinis.

Lahat ng mga ito ay isasagawa sa pakikupag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID). (ESTONG REYES)

145

Related posts

Leave a Comment