TARGET ni KA REX CAYANONG
SA gitna ng masalimuot na takbo ng lehislatura, isang mahalagang tanong ang muling umuusbong: nasusukat ba ang tunay na serbisyo sa dami ng batas, o sa bilis ng pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan?
Ang ulat ni House Majority Leader Cong. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos hinggil sa naipasa at umusad na 18 sa 52 prayoridad ng LEDAC bago ang Semana Santa ay nagbibigay ng malinaw na larawan ng isang Kamara na hindi nagpapahuli sa oras.
Aba’y sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ipinakita ng Mababang Kapulungan ang kombinasyon ng agresibong pagtatrabaho at disiplinadong pag-usad. Hindi pinayagan ng Kamara na ang siksik na kalendaryo ng sesyon ay maging hadlang sa pagsusulong ng mahahalagang panukala—lalo na ang mga may direktang epekto sa ekonomiya, edukasyon, serbisyong panlipunan, at pamamahala.
Kapansin-pansin na ang ilan sa mga panukalang ito ay hindi lamang teknikal na reporma kundi agarang tugon sa krisis. Halimbawa, ang panukalang nagbibigay kapangyarihan kay Pang.
Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo ay malinaw na hakbang upang maibsan ang bigat ng tumataas na presyo ng langis—isang isyung direktang tumatama sa bulsa ng bawat Pilipino.
Hindi rin maikakaila ang bigat ng mga panukalang umabot na sa bicameral stage, tulad ng pagpapaliban ng halalan sa BARMM at ang pagtatatag ng National Center for Geriatric Health.
Ang una ay tumutugon sa sensitibong usaping pampulitika, habang ang ikalawa ay may direktang epekto sa kalusugan at kapakanan ng mga nakatatanda—dalawang larangang kapwa nangangailangan ng agarang aksyon.
Gayunpaman, sa kabila ng mga naabot, nananatiling hamon ang malaking bilang ng mga panukalang nasa antas pa lamang ng komite at technical working group. Dito masusubok ang tunay na tibay ng legislative momentum—kung ang bilis ba ng pagsisimula ay masusundan ng tuloy-tuloy at makabuluhang pagtatapos.
Masasabi na ang 18 sa 52 ay hindi lamang numero kundi isang paalala: may umuusad, ngunit marami pang dapat tapusin.
Ang tunay namang tagumpay ng Kamara ay hindi lamang makikita sa dami ng naipasa bago ang bakasyon, kundi sa kalidad at epekto ng mga batas na tuluyang maisasabatas—mga batas na inaasahang magbibigay ginhawa, katarungan, at pag-unlad sa sambayanang Pilipino.
93 