KINANSELA ng ilang lokal na pamahalaan ang pasok sa eskwela kahapon dahil sa nararanasang high heat index sa Metro Manila.
Bunsod ito ng anunsyo ng state weather bureau na posibleng umakyat sa 42 hanggang 46 degrees Celsius ang temperatura sa bandang hapon.
Ayon sa weather forecast na ibinahagi ng MDRRMO, papalo ang Manila’s heat index sa umaga mula 36-38°C, with peak heat index na aakyat sa 42°C na mararamdaman bandang alas- 2:00 ng hapon.
“Based on the recommendation of Manila Disaster Risk Reduction Management Council, Afternoon classes in all levels in public and private schools are suspended on Monday, March 3, 2025,” anunsyo na inilabas ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Sa Caloocan at Valenzuela City – ang mga estudyante mula kinder hanggang senior high school levels sa public schools ay nag-shift sa asynchronous learning.
Sa Malabon City – ang lahat ng antas, pampubliko at pribado, ay nag-shift din sa modular distance learning.
Nagbabala naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na magdoble-ingat ngayong papasok na ang summer.
Sa isang panayam kay Asec. Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, pinayuhan nito ang publiko na pinakaimportante ang pag-inom ng tubig lalo na sa mga oras na tirik ang araw.
Mas mainam sumilong ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa labas gaya ng construction, rider, maging ang mga driver.
Tumabi muna sa kalsada at bigyan ang sarili ng 30 minutes na pahinga kapag sobang init na ng panahon.
Giit pa ni Domingo, umiwas lumabas ng bahay tuwing alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Ang mga indibidwal naman na may karamdaman tulad ng high blood, sakit sa puso, diabetic at iba pa ay huwag kalimutan ang mga gamot na dapat inumin sa takdang oras at palagiang uminom ng tubig.
Paalala pa ng DOH sa publiko na mag-ingat rin sa sakit na nakukuha tuwing tag-init tulad ng bungang araw, pigsa, sore eyes at iba pa.
Tiniyak naman ng Palasyo ang kagyat na pagkilos laban sa matinding epekto ng paparating na dry season o panahon ng tagtuyot.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, “As of now, talaga po ay hindi pa po kami nakakapag-usap patungkol diyan, pero kung ito po talaga ay nakikita po, nababanaag po ang matinding epekto, kikilos po talaga agad ang mga ahensiya para po matugunan kung anoman ang magiging problema sa mga susunod na araw itong napakatinding init na nararamdaman natin,” ang sinabi ni Castro.
Sa forecast mula sa state weather bureau, ang heat index sa Metro Manila nitong Lunes Marso a-3 hanggang ngayong Martes, Marso a-4 ay aabot sa 46 degrees Celsius.
Gayundin, inaasahan ang “danger” heat index sa lalawigan ng Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, at Olongapo City.
Samantala, sa isang statement, inihayag ni DOH Secretary Ted Herbosa na maituturing nang mapanganib kapag umabot na sa 42 degree Celsius ang heat index kaya’t nagpaalala ito sa publiko na dalasan ang pag-inom ng malinis na tubig, at umiwas na mabilad sa araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. (JESSE KABEL RUIZ/JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE)
