SUPORTADO ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga local government unit na maghigpit sa gitna ng pagbabalewala lang ng kanilang mga constituent sa pinaiiral na enhanced community quarantine o ECQ.
Sinabi ni IATF spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, nasa LGUs ang diskarte kung paano ipatutupad nang mas mahigpit pa ang ECQ at ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ito.
Aniya, depende sa mga lokal na pamahalaan kung idaraan sa paghahain ng lokal na ordinansa ang kaparaanan para mas higpitan o patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang kanilang mga nasasakupang lumalabag sa ECQ.
Sa ulat, marami pa ring mga Filipino ang hindi alintana ang posibleng maging epekto ng mga nangyayaring siksikan sa mga pampublikong pamilihan gaya halimbawa nang nakita sa Balintawak at Blumentrit Market sa Quezon City kamakailan.
Para naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, isang malinaw na indikasyon na may kapabayaan sa hanay ng mga LGU kung kitang-kita naman ang mga nagpapalaboy-laboy na indibidwal sa kanilang mga nasasakupan.
Matatandaan na ilang ulit binatikos si QC Mayor Joy Belmonte kamakailan dahil sa lantarang mga paglabag sa ECQ protocols sa kanyang nasasakupan partikular na sa social distancing. CHRISTIAN DALE
187 