HINIKAYAT ng Malakanyang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong at ibang pang alkalde na magsumite ng ebidensiya na magpapatunay sa kanyang sinabi na mayroon siyang impormasyon ukol sa iregularidad sa flood control projects.
Sa press briefing sa Malakanyang, tila hinamon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Magalong na magpakita ng ebidensiya laban sa mga indibidwal na sangkot sa korupsyon sa flood control projects, na nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan.
“At kung ano po ang maitutulong ni Mayor Magalong, mas maganda po na ito’y mailahad niya sa Pangulo,” ang sinabi ni Castro nang hingan ng komento ukol sa akusasyon ni Magalong na may ilang mambabatas ang nambubulsa ng kickbacks na 30 hanggang 40% ng flood control at infrastructure project funds.
“Iyong sinasabi nilang 67 congressmen, at mukhang sila ay identified na ni Mayor Magalong, hindi po ba mas maganda na ibigay na niya ang report na ito sa ating Pangulo? At kung kinakailangan maidemanda o makasuhan ng may sapat na ebidensiya, agad-agad na din pong gawin,” ang sinabi ni Castro.
Sa kabilang dako, sa alok naman ni Magalong na pangunahan ang imbestigasyon, sinabi ni Castro na nagbigay na ng kautusan si Pangulong Marcos ukol sa mekanismo at sistema para sa imbestigasyon, pagtiyak sa patas at transparent na proseso.
“Unang-una po naibigay na po ng ating mahal na Pangulo ang mekanismo, ang sistema kung papaano ito maimbestigahan. At nagbigay na rin po siya ng direktiba sa Regional Project Monitoring Committees,” ang sinabi ni Castro, tinukoy ang mekanismo sa ilalim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
“Kung ano po ang meron siya, kung ito po ay kumpleto maaari niya po ito isumite agad-agad sa ating Pangulo,” ang winika ni Castro.
“Dahil ang sinabi niya po ay marami po siyang nalalaman. So mas maganda po na ito ay detalyado. Hindi po pwede muli na tayo ay magturo lamang,”aniya pa rin.
(CHRISTIAN DALE)
