LGUs, PNP OFFICIALS PADRINO NG HI-TECH JUETENG SA MINDORO

DISMAYADO ang samahang sibiko, non-government organizations, simbahan lalong-lalo na ang mga bwisit na bwisit na mga residente sa pagiging inutil diumano ng kanilang LGUs na sugpuin ang operasyon ng hi-tech jueteng sa Oriental Mindoro.

Bukod sa ‘untouchable’ illegal numbers game, maraming malalaking kaso at iba pang uri ng kriminalidad sa nasabing lalawigan ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano malutas-lutas.

Ayon sa ilang source, simula nang maitalaga si Police Regional Office 4B MIMAROPA Regional Director PBGen. Sidney Hernia ay hindi man lang nahinto ang talamak na hi-tech jueteng corporation sa kanyang nasasakupan.

Anila, lubhang apektado ang mga padre de pamilya at ilaw ng tahanan na imbes magsipagtrabaho ay nahuhumaling sa pagtaya ng hi-tech jueteng ang inaatupag.

Karamihan sa mga sugapa sa sugal ay natututong mangutang, magsanla at magbenta ng mga ari-arian para lang matustusan ang bisyo.

Ipinagbigay-alam na rin ng mga nagrereklamo sa tanggapan nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa pamamagitan messenger at mga official FB page ng mga ito ang kanilang hinaing subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala umanong nagagawang kaukulang aksyon ang nabanggit na mga opisyal.

Ayon sa reklamo, maimpluwensiyang LGUs at matataas na opisyal ng kapulisan ang nangangasiwa sa hi-tech jueteng corporation sa Oriental Mindoro na may direktang koneksyon diumano sa Malacañang.

Bunga nito, marapat lang na mag-imbestiga si DILG Secretary Abalos sa naturang reklamo upang matukoy kung sino sa mga LGU at PNP officials sa lalawigan ang nasa likod ng hi-tech jueteng corporation.

Sinasabing kakambal ng sugal ang ilegal na droga na malala rin ngayon sa nasabing lalawigan.

Naging hi-tech na ang jueteng sa Oriental Mindoro dahil gumagamit na ng apps sa kanilang cellphone ang mga kubrador, kabo at mananaya.

Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinadadala na sa mobile wallet tulad ng GCash at PayMaya ang bayaran.

Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.

Ang hi-tech jueteng corporation ay nag-o-operate umano sa bayan ng Naujan, Victoria, Socorro, Pinamalayan, Roxas, Puerto Galera, San Teodoro, Baco at Calapan City.

Naniniwala ang mga nagpaabot ng reklamo sa SAKSI Ngayon na imposibleng walang bendisyon sa taas ang hayagang operasyon ng hi-tech jueteng corporation.

Sa dami umano ng mga naarestong kubrador at kabo ay tila balewala ang ibinabang ‘INTERNAL CLEANSING’ at ‘NO TAKE’ POLICY ng Camp Crame, dahil sa pamamayagpag pa rin ng jueteng na ginagamit bilang front ang Small Town Lottery (STL).

Tila moro-moro o bodabil lang diumano ang pag-aresto ng mga otoridad sa mga kubrador dahil wala namang nangyayari.

Kung tutuusin, challenging ang impormasyong ganito para kina Secretary Abalos at PNP Chief Azurin dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatain.

Dahil dito, hinihiling din ng konsumidong mga residente na magbitiw na lamang sa pwesto ang mga iniluluklok nilang LGUs dahil wala umano silang nakikitang aksyon para sugpuin ang nasabing bisyo at kriminalidad sa nasabing lalawigan.

“Nakakahiya kayo,” wika pa ng mga galit na residente. (RONALD BULA)

426

Related posts

Leave a Comment