HINDI dapat lagyan ng malisya ang apat na araw na Libreng Sakay sa MRT 3, LRT 1 at LRT2 na handog ng gobyerno sa mga manggagawang Pilipino.
Ang Libreng Sakay na handog ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko ay mula nitong Miyekoles, Abril 30 hanggang May 3.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kaya aniya aabot ng apat na araw ang Libreng Sakay sa MRT 3, LRT 1 at LRT 2 ay dahil karamihan ay walang pasok.
“So, hindi naman po nila mararamdaman iyong benepisyong matatanggap po nila. At sabi nga po ng ating Pangulo, ito po ay pagbibigay-pugay na rin po sa ating mga workers so bigyan po natin kahit konting kaginhawaan at para maibsan naman iyong konting hirap sa pamamasahe dahil malaki din po itong gastusin para sa mga manggagawa,” ang sinabi ni Castro.
“Huwag naman po nating bigyan ng malisya, hayaan po nating makinabang iyong taumbayan sa mga maaaring itulong ng gobyerno sa kanila,” aniya pa rin.
Kaya aniya May 1 ibinigay ang Libreng Sakay ay dahil ang Araw ng Paggawa ay isang International Labor Day at hindi dahil sa nais na palutangin ng ibang tao na itinaon na ibinigay ang benepisyong ito, ilang araw bago ang eleksyon.
“Hindi naman po natin puwedeng ibigay ito sa mga manggagawa sa December. So, tama lamang po sa panahon kung kailan dapat isini-celebrate po ang Labor Day, doon lamang po natin ibigay,” ang diing pahayag ni Castro.
Nauna rito, sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na nais niyang magbigay ng kaunting parangal sa mga manggagawa sa Araw ng Paggawa.
(CHRISTIAN DALE)
