INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian na kailangan nang mabuksan ang book of accounts ng tatlong higanteng kompanya ng langis upang magkaalaman na kung ano ang tunay na presyo ng produktong petrolyo at maipatupad ang tamang presyuhan sa merkado.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kamakailan lamang, nagpasya ang Korte Suprema na baligtarin ang kautusan ng Manila Regional Trial Court noong 2019 sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Audit (COA), at Bureau of Customs (BoC) na pabuksan sa Petron Corporation, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, at Chevron Philippines ang kanilang books of accounts.
“Sabi ng Korte Suprema, hindi raw ito mandato ng mga nasabing ahensiya ng gobyerno,” ayon kay Gatchalian.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa halip, nakatakda sa Section 14 ng Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1988, ang Department of Energy at Department of Justice (DOE-DOJ) Joint Task Force ang may mandatong magsagawa ng imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga pasaway na kompanya ng langis. Ang probisyon ng anti-trust safeguards sa RA 8479 ay may layunin na panatilihin ang patas na kumpetisyon at maiwasan ang kartel at monopolya na nagdidikta ng hindi makatarungang presyo sa merkado.
Sinabi ni Gatchalian na maraming mamimili ang umaalma sa kalakaran ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaya minarapat ng chairman ng Senate Committee on Energy na busisiing mabuti ang galawan sa presyo.
Mariing sinabi ng senador na dahil sa kawalan ng ‘transparency,’ umiingay ang ispekulasyon na may monopolya o sabwatang nangyayari sa pagitan ng tatlong malalaking kompanya upang manipulahin ang presyo sa merkado.
Sa kasalukuyan, ang downstream oil industry ay patuloy na pinangungunahan pa rin ng mga tinaguriang ‘Big 3’ oil companies kahit na mahigit tatlong dekada nang naisabatas ang Oil Deregulation Law.
Base sa 2019 year-end comprehensive report ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng DOE, pinakamalaki ang market share ng Petron (24.59%), pumapangalawa ang Shell (18.49%) at pangatlo ang Chevron (7.57%). (ESTONG REYES)
158
