BATANGAS – Arestado ng mga awtoridad ang isang lider umano ng crime group sa bisa ng search warrant dahil sa pagtatago ng mga baril sa bayan ng Laurel, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ng Laurel Municipal Police ang suspek na si Marlo Mendoza Gardiola alyas “Marglo,” 43, ng Brgy. Ticub, Laurel, Batangas.
Ayon sa ulat na nakarating sa Batangas Police Provincial Office, nagsanib-pwersa ang Provincial Intelligence Unit-Batangas PPO, OPD-Drug Enforcement Unit, Regional Special Operations Unit, Regional Intelligence Division 4-A, Crime Investigation and Detection Team-Batangas at Laurel MPS, para ihain ang search warrant kay Mendoza na lider umano ng Gardiola crime group, bandang alas-5:30 ng madaling araw.
Natagpuan ng mga awtoridad sa lugar ang gagamiting mga ebidensya laban kay Gardiola, kabilang isang 9mm Bereta Arabellum, isang live ammunition, dalawang cal.38 revolver, dalawang magazines ng cal. 9mm, 26 pirasong live ammunition ng cal. 38, isang black holster ng cal. 9mm, isang camouflage holster ng cal.38 revolver, isang sachet ng umano’y shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.
Base sa record ng pulisya, may dating kasong murder at homicide ang nasabing suspek.
Ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ay nasa pangangalaga na ng Batangas PPO. (CYRILL QUILO)
138
