SUPORTADO ni Sen. Erwin Tulfo ang rekomendasyon ni Land Transportation Office (LTO) Chief Atty. Markus Lacanilao na kumpiskahin o bawiin na habambuhay ang lisensiya ng mga road rage driver.
Ginawa ni Asec. Lacanilao ang pahayag matapos ang magkasunod na road rage incidents sa Tarlac City, Tarlac at Binan, Laguna kamakailan lang.
“Tama lang na hindi na payagang magmaneho pang muli ang mga driver na nagwawala sa lansangan lalo na kapag nakapanakit ito o nakasira ng isang bagay,” ani Sen. Tulfo sa isang panayam.
Paliwanag ng mambabatas, “Pag hindi mo kasi binawi ang driving privileges ng isang road rage driver, uulitin at uulitin nito ang pagwawala sa lansangan lalo na kung armado pa ito o may katungkulan.”
“Ang pagmamaneho kasi ay isang pribilehiyo at hindi karapatan tulad ng pananaw ng ilan kaya inaabuso,” pahabol pa ni Tulfo.
May panukalang batas na rin na inihain si Sen. Tulfo na magpaparusa sa mga road rage driver na ang parusa ay pagkakulong at pagsuspinde sa lisensya habambuhay.
10
