TAHIMIK ngunit puspusang kumikilos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para beripikahin ang mahigit 16,000 flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng isyu ng mga ghost projects.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., personal na humiling si DPWH Secretary Vince Dizon ng tulong mula sa militar upang tukuyin at beripikahin ang mga proyekto batay sa project names at coordinates.
Sa paunang operasyon ng AFP, 800 proyekto na ang natunton at mahigit 60 rito ang lumabas na ghost projects. Naipasa na sa DPWH ang initial report para sa beripikasyon.
“Our task is to visit the coordinates where there are said to be flood control projects and see if they exist or not,” ani Brawner.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa 10,000 flood control projects matapos lumutang ang alegasyon ng katiwalian sa DPWH. Ayon sa Palasyo, mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, umabot sa P545 bilyon ang pondo para sa flood mitigation projects — kung saan P100 bilyon ay napunta lamang sa 15 contractors.
(JESSE RUIZ)
14
