SUMUKO sa tanggapan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang limang pulis Maynila na inakusahang pumasok sa computer shop sa Sampaloc, Manila para mangotong kamakailan.
Sa ulat ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO), ang mga pulis na tauhan ng DPIOU ay boluntaryong sumuko kay PAOCC usec, Retired Police Major General Gilbert Cruz nitong Lunes ng hapon.
Kahapon ay iniharap ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brig. Gen. Andre Dizon sa media ang limang pulis na kinilalang sina Patrolman Jhon Lester Pagar, Police Staff Sergeant Ryann Paculan, Corporal Janmark Dabucol, Patrolman Jeremiah Pascual, at Police Staff Sergeant Jan Erwin Isaac.
Mananatili ang mga ito sa District Personnel and Holding Accounting Unit ng MPD.
Nakita umano sa CCTV ang pagpunta ng limang pulis kasama ang isang asset sa computer shop sa panulukan ng Matimyas at Susan Streets, Sampaloc pasado alas-11:00 ng gabi.
Ayon sa may-ari ng shop na si lolo Herminigildo Dela Cruz, nagpakilala ang limang pulis at sinabing may reklamo laban sa kanyang shop na nagsasagawa umano ng illegal online gambling. Ngunit nang walang nakitang ilegal, hiningan na lamang umano si Dela Cruz ng P40,000 kapalit nang hindi pag-aresto sa kanya sa kasong illegal gambling.
Nakuha pang tangayin ng mga pulis ang P3,500 mula sa lamesa ng biktima maging ang hard disk ng kuha ng CCTV sa loob ng shop.
Hindi pa nakuntento, humirit pa umano ang mga pulis ng P4,000 kada linggo bilang ‘protection money’.
(RENE CRISOSTOMO)
