LISENSYA NG VIRAL SUV DRIVER SINUSPINDE NG LTO

SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang sports utility vehicle (SUV) driver na nakabangga ng motorcycle rider sa isang video na nag-viral sa social media.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr. 90-araw ang suspensyon na ipinataw sa driver’s license ng SUV driver, naglabas din ng show cause order (SCO) para isuko nito ang kanyang lisensya bago ang Hulyo 30.

“Kapwa ang kanyang lisensya sa pagmamaneho at ang plaka ng sasakyan na sangkot sa insidente ay inilagay na sa ilalim ng alarma upang maiwasan ang anoman at lahat ng mga transaksyon habang nasa ilalim ng imbestigasyon,” sabi ni Pua.

Ang kaso aniya sa viral video ng Changan SUV driver na sinadyang bumangga sa isang motorcycle rider sa kanilang paghaharap sa tila isa pang kaso ng road rage. Nakaladkad ng ilang metro ang rider sa kalsada.

Ang suspek ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil umano sa pagpapanggap nito bilang ahente sa pangalang Paul John Jimenez. Nakilala siya kalaunan bilang si Jay-ar Cabana.

Batay sa impormasyon mula sa NBI, nagpakilalang NBI agent ang suspek nang komprontahin.

Batay sa SCO, hiniling ni Pua sa driver na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kaso ng pagpapatakbo ng motor vehicle na may hindi awtorisadong accessories, reckless driving, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 (a) ng R.A. 4136) kaugnay ng nasabing insidente. (PAOLO SANTOS)

159

Related posts

Leave a Comment