LISENSYADONG PASANG-AWA

NILINAW ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi lahat ng lumagapak sa nursing board exam ay tatanggapin sa mga ospital ng gobyerno. Iyon lamang muntik nang makapasa o nakakuha ng iskor na 70% hanggang 74% ang maaaring makapagtrabaho sa mga pampublikong pagamutan.

Sumang-ayon na umano si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mungkahi at nangako na makikipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission (PRC) upang mabigyan ng temporary licenses ang kwalipikadong nursing graduates.

Sakaling nakapasa na ang mga ito sa pagsusulit, papipirmahin sila sa kasunduan na magseserbisyo sa pamahalaan sa loob ng apat na taon bago magtrabaho sa ibang bansa.

Bilang regulatory board, pinapayagan ba ang PRC na mag-isyu ng pansamantalang lisensiya? At hindi kaya taliwas ang programa ng kalihim ng DOH sa isinasaad sa Republic Act No. 9173 na ginagarantiyahan ng Estado ang pagbibigay ng dekalidad na basic health services?

Mayroong 4,500 bakanteng plantilla para sa mga nurse sa 70 DOH hospitals sa buong bansa, ngunit ang listahan ng oportunidad ay kulang pa sa mga rehistradong nurse na walang trabaho, at ang mga ito ang dapat unahin ng kagawaran.

Kung isusulong ang programang trabaho para sa nurse na plakda sa board exam ay lalong lalaki ang problema ng brain drain ng mga nurse.

Nagkaroon tuloy ng agam-agam na babagsak ang kalidad ng health care sa bansa dahil sa panukalang ito.

Kung ipupursige ang programa, lalong lilinaw ang sapantahang bibigyan ng katwiran ang mababang pasahod ng rason na hindi naman pasado sa board ang mga kinuhang empleyado.

Marami pang problema sa health care ng bansa, marami pang isyu tungkol sa mga nurse na hindi nabibigyan ng atensyon at solusyon. Ito muna ang harapin at atupagin ng gobyerno bago ang pansamantalang lisensiya ng mga hindi pasadong nurse, at pagtanggap sa kanila sa mga pampublikong ospital.

Sakaling matuloy ang pagtanggap sa kanila sa mga ospital ng gobyerno, mawala rin kaya ang palakasan, padrino system sa proseso ng aplikasyon?

263

Related posts

Leave a Comment