LIWANAG SA MUNTING PARAISO NG CAGBALETE

SA GANANG AKIN

Isang munting paraiso na naman ang nabigyan ng liwanag ng Meralco. Nauna nang nakapagbigay ng serbisyo ng kuryente ang Meralco sa Isla Verde sa probinsya ng Batangas gamit ang pinagsanib na teknolohiya ng solar PV at battery energy storage. Nitong nakaraang linggo naman ay kinilala at pinasinayaan ang itinayong pasilidad ng kuryente sa isla ng Cagbalete.

Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon at ng Meralco, naging matagumpay ang pagtatayo ng pasilidad ng kuryente na tinatayang makapagbibigay ng liwanag sa isla. Ang programa ng pasinaya ay pinangunahan ng mga opisyal ng Meralco na sina Chairman Manuel V. Pangilinan, President and CEO Atty. Ray C. Espinosa, Senior Vice President and Networks Head Ronnie L. Aperocho, at First Vice President at Customer Retail Services and Corporate Communications Head Victor S. Genuino.

Sa pagpasok ng Me­ralco sa isla ng Cagbalete, inaasahang mas magiging madali ang pagpapaunlad ng turismo sa isla. Ang gandang taglay ng Cagbalete ay masasayang lamang kung mananatili itong nakatago sa mga turista. Malaking tulong ang pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente sa isla sa pag-abot ng potensyal ng lugar na mapabilang sa magagan­dang tanawin sa bansa.

Buwan ng Mayo ng taong ito nang makumpleto ng Meralco ang pagtatayo ng pasilidad ng kuryente gamit ang teknolohiya ng 60 kWp solar PV, 150 kWh na battery energy storage, at ng mga 30 kW diesel generator. Ang nasabing pasilidad ay magbibigay ng serbisyo ng kuryente sa 200 kabahayan sa dalawang barangay – Cagbalete I & Cagbalete II, na bumubuo sa isla.

Ngayong mayroon nang serbisyo ng kuryente sa isla, inaasahang uunlad ang turismo nito. Hindi magtatagal ay mapapabilang ito sa mga lugar sa bansa na dinadagsa ng mga turista lalo na kapag panahon ng tag-init.

Malaki rin ang na­ging papel ng One Meralco Foundation sa napapanahong pag-unlad ng isla ng Cagbalete dahil nauna na itong nakapagbigay ng serbisyo ng kuryente sa tatlong pampublikong paaralan sa isla. Sa pamamagitan ng school electrification program nito na ipinatupad sa isla, inaasahang mas gaganda ang kalidad ng edukasyon dito.

Sabay-sabay nating abangan ang pag-angat ng isla ng Cagbalete bilang isang paraiso na karapat-dapat mapuntahan ng mga turista lalo na yaong mahilig sa dagat at kalikasan. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

145

Related posts

Leave a Comment