ISA ako sa umaasa na sana ay maamyendahan na ang 1987 Constitution baka sakaling mabago ang sistema ng pagboto ng local officials na karamihan o halos lahat ay nananalo dahil sa pera.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang bilihan ng boto sa local position lalo na sa probinsya pero ang sabi ng isa sa mga dating Sangguniang bayan (SB) member sa isang probinsya sa Norte, nakaranas siya ng talo nang magkaroon ng bilihan ng boto noong 2001 na huling takbo niya sa konseho.
Ipagpalagay natin na totoo ngang nagsimula ang bilihan ng boto sa local level noong 2001, dalawang dekada na palang namimili ng boto ang mga kandidato kaya sila nananalo.
At hindi lang ang mga dating pulitiko ang namimili na ngayon ng boto kundi ‘yung mga bagong salta sa larangan ng pulitika lalo na ‘yung mapepera na gustong maghari sa kanilang bayan o probinsya.
Kaya ‘yung mga kilalang mga tao na sa isang bayan na alam ng publiko na kahit hindi nahalal ay nakatutulong naman kahit papaano sa abot ng kanilang makakaya na hinihimok na tumakbo para makatulong sa mas marami, hindi nagpapauto sa mga tao dahil alam nila pera-pera lang ang labanan ngayon sa local level.
Kapag nakalubog ka sa isang bayan at nasusubaybayan mo ang takbo ng kampanya ng mga pulitiko, alam mo na walang loyalty ang mga tao pagdating sa araw ng halalan dahil sa pera.
‘Yung mga humihimok sa kanila na tumakbo at tumatayong lider nila sa kampanya, karaniwang nang-iiwan sa ere sa huling bahagi ng laban kapag natukso sila sa pera ng kalaban. Nangyayari talaga yan!
Ang mga botante naman, hindi lahat ha, pero karamihan, tatanggap ng pera sa magkabilang panig at kung sino ang magbibigay sa kanila ng mas malaki ‘yun ang iboboto nila.
Isang malupit na katotohanan ‘yan sa local election na hindi kayang itanggi ng sinuman ngayon dahil ‘yan ang kalakaran ngayon na dapat mabago kung nais nating magkaroon ng totoong mga lider sa local position sa hinaharap.
Papaano babaguhin? Amyendahan ang Saligang Batas at ibalik ang two-party system at huwag ipaubaya sa mga local candidate ang paggastos sa kanilang kampanya dahil diyan nagsisimula ang bilihan ng boto.
Dapat ang partido ng isang kandidato ang gumastos sa kanilang kampanya para hindi ma-corrupt ang mga botante tuwing panahon ng eleksyon at magdesisyon sila base sa kakayahan ng kandidatong tatakbo bilang kanilang gobernador, congressman, mayor at iba pa.
Baka kapag two party system tayo, hindi rin magulo ang halalan at limitado ang bilang ng mga kandidato hindi tulad ngayon na ang haba-haba ng balota dahil sa dami ng mga kandidato na karamihan naman ay panggulo lang dahil naghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) pero hindi naman nangangampanya.
Kailangan ding malimitahan ang bilang ng mga kandidato na tumatakbo sa konseho dahil mantakin mo, 8 lang ang paglalabanang pwesto pero ang kandidato ay higit 30? Talagang may bibili sa kanila ng boto niyan!
380 