SASAILALIM sa limang araw na lockdown ang limang barangay sa lungsod ng Maynila bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Alinsunod sa inisyung direktiba ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kay Manila Barangay Bureau (MBB) Chief Romeo Bagay, kaagad magsasagawa ng localized lockdown sa mga lugar na nakikitaan ng patuloy na paglobo ng COVID-19 cases.
Iiral ang lockdown sa Barangay 351 sa Sta. Cruz at mga Barangay 675, 699, 701 at 725 sa Malate simula 12:00 ng hatinggabi ng Marso 11, Huwebes, hanggang 12:00 ng hatinggabi ng Marso 15, Lunes.
Kaugnay nito, muling ipatutupad ang paggamit ng Quarantine pass sa mga residenteng lalabas ng kanilang tirahan.
Inatasan naman ng MBB ang Manila Police District (MPD) na pinamumunuan ni District Director P/Brigadier General Leo Francisco na magpakalat ng mga pulis sa mga barangay na isasailalim sa lockdown. (RENE CRISOSTOMO)
