LOLO PATAY SA JUDAS BELT

PATAY ang isang 78-anyos na lolo makaraang maputukan ng Judas Belt, apat na araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Spokesperson Asst. Secretary Albert Domingo, kinilala ang nasawi na isang senior citizen.

Ayon sa report, sinindihan umano ng biktima ang paputok na Judas Belt ngunit sumabog ito bago naihagis nagresulta sa multiple injuries ng senior citizen.

Isinugod sa ospital ang biktima noong Disyembre 22 subalit binawian ng buhay noong Disyembre 27.

Ayon pa sa DOH, may iba ring mga sakit na iniinda ang biktima.

Kabilang ang nasawi sa inisyal na 125 kaso ng firecracker-related injuries na nairekord mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng DOH mula Disyembre 22 hanggang alas-6 ng umaga nitong Sabado, Disyembre 28. Sa naturang bilang, 24 ang bagong naitalang kaso sa nasabing araw.

Nasa edad 19-anyos pataas ang karamihan sa 102 biktima.

Ayon sa DOH, 91 kaso o 73% ay sanhi ng ilegal na paputok tulad ng boga, 5-star at Piccolo, 75 dito o 60% ay aktibong gumamit ng paputok.

(JULIET PACOT)

41

Related posts

Leave a Comment