KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
2025. Bagong Taon. Personal ko itong kahilingan ngayong bagong taon.
Sana, magkaroon ng programa ang gobyerno para makatulong sa mga mamamahayag na matatanda na at mga may sakit. Marami sa probinsya. ‘Yung magkaroon lang ng ayudang gamot, taunang medical check-ups, konting tulong pinansyal at ano pa mang porma ng pagdamay ay malaking bagay na para sa pangangailangan ng mga retiradong kasamahan.
Sa aming hanay ay marami ang walang retirement pay kaya nakakaawa. Marami ang napapasok lang sa mundo ng pamamahayag dahil natripan hanggang maging sariling propesyon. Tinatawag kaming kapartner ng gobyerno sa paghahatid ng impormasyon sa publiko, kaya dapat lang sigurong tulungan kahit papaano.
Ang masaklap nito, dahil news reporter, ang nasa isip ng marami ay mayaman. Pero ang totoo, marami ang naghihirap sa amin pero patuloy pa rin kami sa paglililingkod, maging produktibo at responsableng bahagi ng lipunan sa aming munting kakayahan.
##########
Sa pagpasok ng bagong taon, manalangin tayo na gabayan ng Panginoong Diyos ang ating bansa at ang mamamayang Pilipino lalo na ang mga nakasadlak sa kahirapan
Huwag nating kalilimutan ang mga maralita sa ating paligid lalo na ang mga may sakit. Tulungan natin sila sa abot ng ating makakaya sa kabila ng ating mga pansariling krisis sa buhay.
Sama-sama nating haharapin ang hamon ng 2025 na nakataas ang noo at puno ng pag-asa.
Ang bawat isa sa atin ang lumilikha ng direksyon na ating patutunguhan. Kailangan ang patuloy na pagpupunyagi at pagsisikap upang umasenso at maging maganda ang sitwasyon ng buhay.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay maging dedma tayo sa mga nangyayari sa ating paligid. Kailangan pa rin ang aktibo nating pakikialam lalo’t higit sa mga nangyayari sa ating pamahalaan. Halos lahat tayo ay may mga kanya-kanyang Facebook. Gamitin natin ito upang iparating natin sa mga opisyales ng gobyerno ang ating papuri sa bawat wasto nilang programa at proyekto para sa kapakinabangan ng taong bayan.
Ngunit kung may makakita tayong kapalpakan at panderekwat sa salapi ng mamamayan, huwag tayong mag-atubili na ibulgar ito at kondenahin.
##########
Dahil sa patuloy na paglaganap ng kahirapan sa bansa, walang ibang pinagbabalingan ang maraming Pilipino kung hindi ang tumaya sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office at manalanging tumama. Sa halagang P20 kada tiket, may posibilidad, kahit parang suntok ito sa buwan, na makaahon sa kasalatan ng buhay.
Pagpasok ng bagong taon ay sunod-sunod ang pagwawagi ng maswerteng mananaya. Ilan na ang biglang naging milyonaryo. At ang pinakamapalad ay ang nanalo sa Ultra Lotto 6/58 nitong Linggo ng gabi. Natimbog ang P314.5 million na premyo.
Maganda ang pasok ng bagong taon sa mga ito. Natupad na ang kanilang pangarap na yumaman. Ngayon, kung wala kang taya, wala kang karapatang mangarap na yumaman. Para kang tanga.
Katulad ng maraming Pilipino, regular akong mananaya sa lotto. Nag-aalpas ako ng P20 hanggang P60 na pantaya. At nananalangin akong tumama, yes, kahit sabi ko nga ay parang suntok ito sa buwan. Pero ‘yung katuwaan kong baka bukas ay milyonaryo na ako kasabay ng pag-iilusyon kung paano ba ako mapaliligaya nito o paano ako magbibigay saya sa iba kung tumama ako…ITO ang binabayaran ko sa bawat pagtaya sa lotto.
Sa madaling sabi, naglilibang at nagsasaya ako sa pamamagitan ng pagtaya at pag-iilusyon. Hindi ka kasi pwede mag-ilusyon na maging milyonaryo kung wala kang taya, hindi ba?
Boring na kasi ang lifestyle ko. No booze, no yosi, no meat dish, strict diet, at andres de saya pa. Ngayon, may mga nagsasabing niloloko lang ng PCSO ang mga mananaya sa lotto? Napatunayan na ba?
Basta’t masaya ako kapalit ng ilang piso. Ikaw? Paano ka nagsasaya? Sa pag-inom ng alak, sa pagyoyosi? Sa batak ng shabu? Sa pagkain ng masasarap sa resto? Sa pagbili ng magagandang damit, alahas, sasakyan? Sige lang! Trip mo ‘yan. Enjoy ka lang. Pero ‘wag mo akong pakikialaman sa pagtaya sa lotto. Kanya-kanyang trip lang ‘yan.
##########
Maraming eleksyon na ang isinagawa natin sa pagpili ng mga mamumuno sa pamahalaan. Pero ang malungkot – sa halip na umasenso ang ating bansa at maging maalwan at maayos ang pamumuhay ng mamamayan, hindi umuunlad ang Pilipinas (sa boladas na datos ng gobyerno lamang) at lalo naman tayong lumulubog sa kahirapan. Kaya krusyal sa buong sambayanang Pilipino ang isasagawang halalan sa Mayo.
At sana, sana…maging matalino na ang mga botante sa pagpili ng mga kandidatong pagtitiwalaan nila ng sagradong boto. Sana, hindi na muling magpabudol ang mga botante sa mga kandidato sa darating na eleksyon.
Pumili tayo ng nararapat na manungkulan sa Senado, Kongreso at lokal na pamahalaan. Maraming beses na tayong nadenggoy ng mga kandidato sa kanilang mga boladas, gasgas na pangako at perang ipinamimigay sa kampanyahan. Maging tuso na tayo alang-alang sa susunod na henerasyon. Simulan natin ang pagbabago sa darating na eleksyon.
Kaya mo ba, Juan de la Cruz?
168
