Ni DANG SAMSON-GARCIA
MISTULANG sampal sa mga kritiko ng Anti-Terrorism Law na kinabibilangan ng mga kaalyado ng Partido Liberal ang naganap na pagsabog sa Jolo, Sulu na sinasabing isinakatuparan ng dalawang babaeng suicide bombers.
Binuhay din ni Senador Panfilo Lacson ang kanyang paalala sa mga kritiko na walang pinipiling panahon ang mga terorista sa kanilang pag-atake.
“To those who criticized the timing of the passage of the anti-terrorism act amid the pandemic, I will say it again: terrorism knows no timing nor borders,” saad ni Lacson.
Ganitong pahayag din ang inilabas ni Senador Bong Go kasabay ng pagkondena sa twin bombings.
“Wala talagang pinipiling lugar o panahon ang mga teroristang ito. Naghihirap na nga tayo dahil sa krisis na dulot ng pandemya, patuloy pa rin ang mga terorista sa kanilang hangaring guluhin at
sirain ang buhay ng mga Pilipino,”saad ni Go.
Umani ng batikos mula sa mga kritiko ng administrasyon ang mga pagsasabatas ng pinahigpit na Anti-Terror Law dahil anila sa maling timing o ginawa ito sa gitna ng pandemya.
Sa Senado, tumutol sa pagpasa ng batas sina Senador Risa Hontiveros at Senador Kiko Pangilinan na kapwa kaalyado ng LP.
MASUSUBUKAN
Samantala, masusubukan umano ang bagong Anti-Terror Law sa twin bombings sa Jolo, Sulu nitong Lunes na ikinamatay ng 15 katao kabilang ang walong sundalo, anim na sibilyan at isang suicide bomber.
Ito ang pahayag ni House deputy speaker Mujiv Hataman kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ng mga namatay sa panibagong pag-atake ng mga terorista sa nasabing lalawigan.
“Masakit sa puso ang makita ang mga larawan ng mga biktima sa dalawang pagsabog sa Jolo kahapon na nasa social media na at online. At mas lalong masakit para sa mga kamag-anak at
kaibigan ng mga biktima ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay, na naroon lamang sa maling lugar at oras dahil kailangan nilang kumita at maghanapbuhay,” ani Hataman.
Dahil dito, hiniling ng kongresista sa mga otoridad na gawin ang lahat upang mapanagot ang mga nasa likod ng terrorist activities na ito lalo na’t armado ngayon ang mga ito ng bagong Anti-Terror Law.
Ang Anti-Terror Law ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 9, 2020 at bagama’t kinuwestiyon ito sa Korte Suprema ay umiiral na ito dahil walang inilalabas na temporary restraing order ang Kataas-taasang Hukuman.
Layon ng nasabing batas na sugpuin ang terorismo sa bansa sa pamamagitan ng pag-aresto kahit walang arrest warrant at pagpapakulong sa mga pinaghihinalaang terorista ng hanggang 24 araw
kahit walang naisasampang kaso.
Ang anti-terror bill ay mariing kinontra ng oposisyon sa Kamara partikular na ang mga miyembro ng Liberal Party (LP) dahil sa mga nabanggit na probisyon na posibleng gamitin umano sa mga kritiko ng administrasyon.
“The threat of terrorism is real. Violence doesn’t solve anything. It only worsens the situation. There is absolutely no sense in killing & wasting innocent lives,” ayon naman kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran.
“We condemn in the strongest possible terms these bombings in Jolo. This is a sad reminder why we need to fight terrorism in the Philippines. I said it before and I say it again, terrorism is a clear
and present danger in our country. I hope that JTF Sulu will track down the perpetrators and bring them to justice,” ayon naman kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Mariin ding kinondena ni Anak Mindanao party-list Rep. Rep. Amihilda Sangcopan ang pag-atakeng ito ng mga terorista gayung nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
163
