LTFRB KAKANSELAHIN PRANGKISA NG GRAB

KAKANSELAHIN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Grab Philippines dahil sa ginagawa nitong pagpasa ng 20-percent discount para sa pasaherong persons with disabilities (PWDs), estudyante at senior citizen sa kanilang mga driver.

Nabuking ang ginagawang ito ng Grab sa pagdinig ng Senate committee on Public Services nang komprontahin ang kinatawan ng grupo ukol sa madalas na kanselasyon ng mga driver kapag PWD, estudyante at senior citizens ang pasahero.

Napag-alaman kay TNVS Community Philippines spokesperson Saturnino Ninoy Mopas na pinapasagot pala ng Grab sa mga driver ang diskwentong binibigay sa pasaherong senior citizens, PWDs, at mga estudyante.

Ayon pa kay Mopas, dati ay Grab ang sumasagot sa 20 porsiyentong discount ngunit biglang pinapasan ito sa kanila ng kumpanya anim na buwan na ang nakalipas.

Kinontra naman ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz ang palusot ng Grab na naaayon sa batas ang kanilang ginagawa.

Giit ni Guadiz, malinaw na lumabag ang Grab sa Memorandum Circular ng ahensiya sa pagpasa nito ng 20-percent discount sa kanilang mga driver.

Hihingan ng LTFRB ng pahayag ang mga Grab driver at paliwanag ang kumpanya ukol sa ginagawa nilang ito. Kapag nakitaan ng paglabag, posibleng makansela ang prangkisa ng Grab, sabi pa ni Guadiz.

Bago ito, sinabi naman ng Philippine Competition Commission (PCC) sa pagdinig na umaabot na sa ilang milyong piso ang multang ipinataw nila sa Grab dahil sa mga paglabag ukol sa pagtatakda ng pasahe.

Mula 2018, napatawan na ang Grab ng multang aabot sa P86.7 milyon, kabilang ang P16.15 milyong multa sa paglabag sa pamantayan sa pamasahe at sa bilang ng kanselasyon ng mga driver.

Bukod pa riyan, sabit din ang sister company ng Grab na motorcycle ride-hailing app na Move It sa mga aksidente sa kalsada na nagresulta sa pinsala o pagkasawi ng kanilang mga pasahero.

283

Related posts

Leave a Comment