WALA pang kasiguraduhan kung babawiin ng Quad committee ang contempt order laban sa mag-asawang Harry at Mylah Roque kahit tatapusin na ang imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa panayam kay Quad Comm chairman Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, otomatikong lifted ang lahat ng contempt order sa mga resource person kapag tinapos na ang imbestigasyon.
Gayunpaman, sa kaso aniya ng mag-asawang Roque, pag-uusapan pa ng komite kung babawiin ng mga ito ang contempt order lalo na’t hindi pa isinusumite ng mga ito ang mga dokumentong hinihingi sa kanila.
Magugunita na na-contempt ang mag-asawa matapos mabigong isumite sa komite ang mga financial transaction para patunayan na hindi galing sa POGO ang kanilang yaman na lumobo nang husto.
Dahil dito, inisyuhan ng komite ng arrest warrant ang mag-asawa subalit hindi nahuli at sa huling ulat, kapwa nasa ibang bansa na ngayon ang mga ito.
Kasama ang dating Kalihim sa kinasuhan sa operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) dahil sa iba’t ibang krimen tulad ng torture, human trafficking, money laundering, murder at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
63