LUMALALA ANG PROBLEMA SA MARCOS-LAUREL TANDEM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG imbes na maresolba ang problema ng sambayanang Pilipino sa tandem nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel, ay mistulang lumalala pa.

Tila wala silang magawa o ginagawa para awatin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain gayung nasa kanila na ang lahat ng kapangyarihan para panagutin ang mga nagsasamantala at nagdaragdag ng pahirap sa taumbayan.

Tingnan n’yo ha, hindi pa nareresolba ang problema sa bigas ay pumalo na sa ‘all time high’ ang presyo ng baboy? Bente pesos na lang ang kulang at aabot na sa P500 ang kada kilo ng karne ng baboy.

Ang presyo ng live weight ay P220 kada kilo lamang kaya dapat ibenta ng retailers sa P380 pero umabot sa P480 kaya malamang ay may nagsasamantala na naman at nganga na naman ang gobyerno.

Parang wala na talagang takot ang mapagsamantalang mga negosyante sa gobyerno dahil kahit on going ang imbestigasyon ng Kongreso sa mataas na presyo ng pagkain, hindi lamang ang bigas kundi maging ang mga karne at gulay, ay mayroon pa ring nagsasamantala.

Mantakin n’yo ang okra ay ibinebenta na sa P5 ang kada piraso at walang pumapansin. Ginto na rin ang presyo ng ibang gulay at sa susunod na mga araw, magtataas na rin ang presyo ng mga delata dahil pinayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga manufacturer na magtaas ng presyo.

Pero hindi ko masisisi ang mga nagsasamantala dahil wala namang political will ang gobyerno na panagutin ang mga ito dahil kung talagang seryoso ang mga lider ng bansa na habulin ang profiteers ay matagal nang may nakulong.

May narinig na ba kayong nakulong na rice cartel kahit lumabas sa imbestigasyon ng Kongreso na may sindikato na nagmamanipula ng supply at presyo ng bigas? Hindi lang ito nangyayari ngayon kundi noon pa at dahil walang magawa ang gobyerno, tayo na lamang ang susuka ng P2 billion para makapagbenta ng P35 kada kilo ng bigas na hindi naman lahat ay makabibili dahil limitado ang supply.

Meron daw nakakasuhan pero karamihan sa mga kasong isinampa ay hindi pa inaakyat sa korte at kung may nililitis man ay hindi agad nasesentensyahan ang mga inakusahan kaya lalong lumalakas ang loob ng mga ito na magsamantala.

Pinahaharap sa imbestigasyon ng Kongreso ang hinihinalang kasangkot sa cartel, ipinahihiya pero pansamantala lang ‘yun dahil lilipas din naman ‘yan at pagkatapos ay balik sila sa pagsasamantala. Sanay na silang maimbestigahan at sanay na rin sila na hindi sila kaya ng gobyerno.

Ang problema sa gobyernong ito, tila walang pakialam sa mamamayan na labis na apektado sa hindi maawat na presyo ng mga bilihin. Hindi naman nakapagtataka dahil ‘yung mga nasa gobyerno tulad ni Marcos at Laurel, ay hindi naman ramdam ang inflation dahil hindi nila naranasang magutom.

Kahit ‘yung mga nakapaligid sa kanila ay hindi naman alam ang tunay na kalagayan ng mahihirap kaya walang pakialam kung may nagugutom dahil hindi sila naranasang maging mahirap.

1

Related posts

Leave a Comment