DPA ni BERNARD TAGUINOD
LUNOD na sa utang ang Pilipinas at kung hindi mareresolba ni Pangulong Bongbong Marcos ang corruption sa gobyerno ay malamang sa malamang ay malalagpasan niya ang inutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kapag lunod ang isang bansa sa utang, mangangahulugan na madaragdagan ang buwis na pinababayaran ng gobyerno sa mga tao sa ayaw at sa gusto nila, para makabayad ng interes para makapangutang ulit.
Si Digong ay nakapangutang ng P7.2 trilyon mula 2016 hanggang 2022 kaya nang umalis siya ay umabot sa P12.7 trilyon ang utang panlabas at panloob ng gobyerno dahil ang minana niyang utang ay P5.5 trilyon.
Pero ngayon, kasisimula pa lang ng ikaapat na taon ni BBM sa pamumuno sa bansa, ay P17.2 trilyon na ang utang ng Pilipinas. Ibig sabihin nakapangutang na ang gobyernong ito ng P5 trilyon sa nakaraang tatlong tao.
Kung magpapatuloy ang kalakarang ito, hindi malayong aabot sa P10 trilyon ang idaragdag ni Marcos sa utang ng Pilipinas pagbaba niya sa kapangyarihan sa June 30, 2028, at lalagpasan niya ang iniwang record ni Digong.
Ang kawawa rito ay ang mga Pilipino dahil habang tumataas ang utang ng gobyerno ay pataas nang pataas ang binabayarang interes ng gobyerno sa kanilang mga inutangan lalo na’t automatic appropriation ang pagbayad sa utang.
Kapag lumalaki ang binabayarang interes, nababawasan din ang serbisyo publiko ng gobyerno at ang pinakamasaklap sa lahat ay pataas din nang pataas ang buwis na kinukuha sa atin, wala kang ligtas sa buwis.
Tingnan n’yo, kahit ang naipong interes sa pera n’yo sa bangko ay makikihati pa ang gobyerno. Pera n’yo ‘yun, walang naitulong ang estado sa pag-iipon niyo at kapag kumita kahit barya ay kukunin pa ang 20% sa interes na kakapiranggot?
Marami na ang lumabas na pag-aaral na 20% sa pambansang pondo ang nawawala dahil sa corruption sa gobyerno kaya ngayong 2025 kung saan P6.352 trilyon ang pondo, P1.2 trilyon ang ninakaw ng mga taong gobyerno at mga kasabwat nila sa pribadong sektor tulad ng mga kontratista.
Ang laking pondong ito na ninanakaw lang. Hindi na kailangang mangutang ang gobyerno o dagdagan ang utang kung may kabusugan ang mga magnanakaw sa gobyerno, kaso wala silang kabusugan at dumarami pa sila.
Kaya pala walang politiko na mahirap kahit napakalaking pera ang inilalabas nila kapag eleksyon dahil meron pala silang inaasahan kapag gumastos para sila ay manalo, hindi sila nauubusan ng pera, alam na this!
Hindi lang ‘yan ang ninanakaw sa sambayanang Pilipino kundi ang mga buwis na hindi nakokolekta dahil sa katiwalian tulad sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs at mga negosyanteng nandadaya ng buwis.
