Ni ANN ENCARNACION
INILUTANG ni University of Santo Tomas (UST) Tigresses coach Emilio “Kungfu” Reyes na may mga kababalaghang nangyayari sa kasalukuyang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 women’s volleyball tournament.
Kaugnay nito, nanawagan siya sa linesmen at referees na pagbutihin ang kanilang trabaho.
Ayon kay Reyes, maraming “unusual” na desisyon ang mga referee at umpire sa nakaraang laro ng kanyang team kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles.
Sa nasabing game ay talo ang Tigresses sa straight sets (20-25, 20-25, 20-25) laban sa nagtatanggol na kampeong Ateneo, Martes ng umaga sa Mall of Asia Arena.
Para sa UST coach, nakadidismaya ang game result na hanggang 20 puntos lang ang Tigresses.
“Yung mga puntos na supposedly dapat sa amin, naa-award doon sa kabila. Yung mga lagpas na sa antenna na napapalo ng kabila, ini-score pa sa kabila, which is para sa amin,” himutok ni Reyes.
“Ang daming unfavorable calls para sa amin. Ang daming double sa amin, sa kabila hindi tumatawag,” dagdag niya.
Tinukoy ni Reyes ang atake ni Vanie Gandler ng Ateneo sa ikatlong set na pinaniniwalaan nilang “out” subalit ibinigay pa rin ang puntos sa Blue Eagles.
Samantala, sisikapin ng wala pang panalong University of the East (0-10) na makakuha man lang ng panalo laban sa ADMU (5-5) sa main game, 6:30pm ng quadruple-header ngayon (Huwebes).
Una rito, matutunghayan muna ang tapatan ng University of the Philippines (4-6) at Far Eastern University (1-9) ganap na 10am, 12:30 pm ang face-off ng parehong may 7-3 record na UST at De La Salle University, at 4:00pm ang paghaharap ng Adamson University (6-4) at perpektong National University (10-0).
152