MAAGANG PAMASKO HANDOG SA MAHIHIRAP NA MANILENYO AT MGA BATANG LANSANGAN

MAAGANG nakatanggap ng kanilang pamasko mula sa Manila Police District – Moriones Police Station ang mahihirap na pamilya at mga batang yagit na nakatira sa bangketa sa Tondo, Maynila.

Katuwang si dating Manila Cong. Harry Angping at ang Rotary Club ng Quiapo Plaza Miranda, isinagawa ang pamamahagi ng grocery items sa mga residente mula sa Barangay 259 bandang 10:00 ng umaga nitong Linggo sa harapan ng MPD- Moriones Police Station 2.

Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo lll kasama ang kanyang mga tauhan, ang gift-giving activity sa mahigit 600 pamilya kabilang ang mga batang lansangan.
Dumalo rin sa programa si Police Lieutenant Henry Mariano, hepe ng SCADS.

Matapos ang halos dalawang oras na programa, umuwi ang mga benepisyaryo na may ngiti sa kanilang mga labi at bitbit ang aginaldo na kanilang pagsasaluhan pagsapit ng Noche Buena.

Ayon kay Lorenzo, nais nilang ipadama sa mga kapuspalad ang tunay na diwa ng Pasko kaya sa kanilang munting paraan ay naghandog sila ng aginaldo. Sapat na aniyang makita nila ang saya sa mukha ng mga benepisyaryo upang maibsan ang kanilang pagod. (RENE CRISOSTOMO)

389

Related posts

Leave a Comment