CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA panahon kung kailan ang transparency at accountability ay hindi na lamang opsyon kundi inaasahang pamantayan, makatuwiran lamang na masusing busisiin ang pamamahala ng Philippine Young Entrepreneurs Association (PYEA).
Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng PYEA sa pagbubukas ng oportunidad para sa kabataang negosyante—lokal man o internasyonal. Ngunit kasabay ng impluwensyang ito ay ang mas mataas na antas ng pananagutan. Kapag may mga tanong tungkol sa liderato, proseso ng eleksyon, at paggamit ng pondo, ang pinakamabisang tugon ay hindi pananahimik kundi paglilinaw.
Isa sa mga lumulutang na usapin ay ang umano’y matagal na pananatili sa puwesto ng ilang opisyal, kabilang si National President Charmaine Co, gayundin sina RJ Tan at Gio Ortiz Luis. Hindi naman masama ang continuity sa pamumuno lalo na kung may malinaw na mandato at suporta ng miyembro. Ngunit sa isang organisasyong nagsasabing kinakatawan nito ang kabataang sektor, mahalaga ang regular, dokumentado, at bukas na eleksyon. Ang simpleng paglalabas ng updated membership list, malinaw na election proceedings, at articulated governance structure ay hindi kahinaan. Sa katunayan, ito’y tanda ng kumpiyansa sa sariling proseso.
Mas sensitibo ang usapin ng financial reporting. Ang mga nonprofit at membership-based organizations, lalo na yaong may pambansa at rehiyonal na representasyon, ay inaasahang may audited financial statements at publicly accessible annual reports. Hindi ito dahil sa pagdududa kundi ito’y bahagi ng good governance. Kapag may ulat ng umano’y paniningil sa mga programang may libreng international hosting mula sa foreign partners, natural lamang na magtanong ang stakeholders kung saan napupunta ang koleksyon. Ano ang breakdown ng gastos? May malinaw bang sponsorship alignment? Sa mundo ng negosyo, reputasyon ang puhunan. Sa mundo ng youth leadership, mas lalong mahalaga ito.
Mas tumitindi ang usapin dahil sa papel ng PYEA sa youth engagements na kaugnay ng ASEAN. Ang sinomang kumakatawan sa Pilipinas sa rehiyonal na entablado ay hindi lamang indibidwal, dala niya ang kredibilidad ng buong sektor. Kung may agam-agam sa internal governance, maaari itong makaapekto hindi lamang sa organisasyon kundi sa imahe ng kabataang negosyante ng bansa.
Sa ganitong konteksto, mahalagang papel ang maaaring gampanan ng mga umbrella at partner institutions tulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Department of Trade and Industry, at ASEAN Business Advisory Council. Hindi ito upang manghimasok, kundi upang tiyakin na ang mga organisasyong kumakatawan sa kabataan ay sumusunod sa pamantayan ng transparency at accountability na inaasahan sa kanila.
Sa huli, ang isyu ay hindi tungkol sa personalidad. Ito ay tungkol sa prinsipyo. Ang transparency ay hindi dapat hinihingi pa kundi kusang ibinibigay. Ang accountability ay hindi dapat ipinaglalaban, ito ay awtomatikong isinasabuhay. Kung tunay na layunin ng PYEA ang palakasin ang kabataang negosyante, marahil ang pinakamainam na hakbang ngayon ay hindi depensa, kundi pagbubukas ng libro, ng proseso, at ng dayalogo. Sa ganitong paraan, ang organisasyon ay hindi lamang magiging representasyon ng youth entrepreneurship, kundi modelo rin ng mabuting pamamahala.
1
