CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAI-AWARD na nga ng DOTr sa Banner Plastic Card Inc. ang kontrata sa pag-print ng driver’s license plastic cards.
Parang ang bilis nga ng mga pangyayari, ano? Samantalang last week ay usap-usapan lamang na tila mayroon ngang nagaganap na iregularidad sa ginagawang bidding ng ahensya para sa 5.2 million plastic cards. Nasa sentro ng isyung ito ang Allcard Inc. at Banner Inc.
Mukhang simula umpisa ay buo na nga raw talaga ang pasya ng DOTr na ibigay sa Banner Inc. ang kontrata. Paano naman kasi, mas mababa raw ang bid offer ng Allcard Inc. na Php 33.88 kada card kumpara sa Php 42.00 kada card na offer ng Banner, Inc. Ang laking diperensya nito kung susumahin, tumataginting na P42M. At kung sa usapin naman ng card features ay pareho lang din naman daw ng offer ang dalawang bidders. Kung gayon, bakit mas pinaboran ng DOTr ang Banner? Totoo nga kaya ang mga bali-balita na may koneksyon ang Banner sa naturang ahensya?
Usap-usapan din ngayon na bukod sa tila pagmamadali ng DOTr na i-award ang kontrata sa Banner, mukhang hindi rin yata nabigyan ng pagkakataon ang Allcard Inc. na mag-file ng protest kaugnay ng kanilang disqualification sa bidding.
Ang alam kasi natin, pagdating sa mga ganitong bidding, ay mayroong window ang ibang bidders para mag-file ng protest o mag-apela para sa reconsideration. Mayroon nga kayang nalabag na proseso sa bidding na ito?
Kung totoo ngang ganito ang nangyari, eh talagang kahina-hinala nga ang naging desisyon ng DOTr. Kumbaga sa pagmamaneho, mukhang short cut ang naging proseso?
** Pagsagip sa mga palaboy **
NAKAPOKUS ngayon ang atensyon ng iba sa pagsagip sa mga sangkot sa DOT fiasco kaya hindi binibigyan ng pansin ang plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sagipin ang mga taong palaboy at nakatira sa lansangan sa Metro Manila. Oplan Pag-abot ang programa ng DSWD upang mailayo sa panganib ang mamamayang nakatira sa mga lansangan.
Programa na naman na baka mauwi sa wala.
Bibigyan daw ng medical assistance, suportang pagkain, transportation at relocation aid at oportunidad para may pagkakitaan ang mga ito.
Nakaka-inspire ang programa, ngunit hanggang saan ito aabot?
Plano ng programa sa mga palaboy na taga-Metro Manila na bigyan ng pansamantalang tutuluyan habang inaayos ang pagbibigay ng benepisyo at serbisyo sa mga ito. Hahanapan naman ng foster family ang mga bata o matanda na wala nang kamag-anak o inabandona.
Ipaaampon? Kung kakanlungin sila ng foster family, eh gaano naman katagal? Pansamantalang pagkupkop lang ang mangyayari.
Kasi ba naman, hindi inaatupag ang pagtatayo ng mga shelter para sa mga homeless, at mga bahay-ampunan na kaya naman sigurong tustusan ng pamahalaan.
Kalinga, aruga ang ibigay na biyaya sa mga kapus-palad at dukha.
Sabagay, sa halip nga pala na tulungan ang mga pribadong bahay-ampunan, eh ‘di ba may pinasara.
