MACHO CHIQUITO NG BI UNTOUCHABLE KAY DUTERTE

MAINIT ngayon ang tila banggaan ng Pambansang Kamao na si Senador Manny Pacquiao at ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos hamunin ng pangulo si Pacman na maglabas ng katibayan na mayroong katiwalian sa mga ahensya ng administrasyon.

Agad namang tinanggap ni Pacquiao ang hamon at sinagot ang paratang ng administrasyon na namumulitika lamang ito at iginiit na walang bahid ng katiwalian ang kanyang pagkatao na dumaan sa hirap at nagtagumpay sa larangan ng boxing na siyang nagbigay karangalan sa ating bansa.

Sa aking pananaw, hindi hangad ni Pacquiao na siraan ang pangulo, kundi gisingin lamang ito dahil sa lumalalang korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kung saan ang ilan sa mga binigyan ng kapangyarihan ng pangulo ay sinasamantala ang pagkakataon na magkamal ng salapi, sa ilegal na paraan, kahit panahon ng pandemya ngayon.

Dapat ring pakawalan ng kamaong bakal ni Pacquiao ang garapalang korapsyon sa Bureau of Immigration (BI), partikular sa talamak na katiwalian ni “Sir” na hindi na rin masikmura ng mga empleyado at ng ibang matataas na opisyal na pinili na lang nilang manahimik.

Hanggang kasalukuyan, hindi pa rin inaalis sa puwesto si alyas Macho Chiquito na isa umano sa mga nagbibigay ng tara kay Sir?

Matatandaang ibinisto ng Bistador ang talamak na pang- iipit umano nito sa mga passport ng mga Chinese national na hinohostage sa vault ng kanyang tanggapan kahit nagbabayad ang mga travel agency ng express fee na dapat ay isang araw lamang ay tapos ito.

Gayundin ang sinasabi ng ­ating source na imbes na idaan sa tamang proseso ay ipinatutubos na lamang niya umano ang mga passport, sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kliyente nito sa WeChat imbes na sa ­releasing area.

Samantala, kung ang ­ilang opisyal ay nakikisama na lamang na magbigay ng tara kay Sir, mayroon isang hepe dito ang pumalag na magbigay ng tara dahil hindi umano nito masikmura na mangikil sa mga travel ­agency at sa mga dayuhan.

oOo

Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, maari ninyo akong itext sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

375

Related posts

Leave a Comment