KAILANGANG paspasan na ng Kongreso ang paggawa ng batas para i-overhaul ang Philippine
Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bubuwag sa mafia bago pa man nila maubos ang
pondo ng nasabing state insurance firm.
Ito ang iginiit ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil mistulang wala umanong indikasyon
na titigil ang mafia sa panggagatas sa pondo ng mamamayan para sa kanilang kalusugan.
“Kailangan [ngayong] pagbubukas ng second regular session ay seryosohin ‘yan [katiwalian]
otherwise mababangkarote ang PhilHealth na ‘yan sa pondo na kailangan natin,” ani Zarate.
Ang PhilHealth ay mayroong assets na mahigit P225 Billion at kung magpapatuloy aniya ang
katiwalian dito ay malamang na ubusin ito ng mafia kung hindi sila mapigilan at maparusahan.
Ayon sa mambabatas, mas kailangan ngayon ng mamamayan ang pondong ito sa panahon ng krisis
sa kalusugan kaya dapat bilisan aniya ang pagbuwag sa sindikato.
Muling nasa gitna ng kontrobersya ang PhilHealth nang mag-resign ang tatlong opisyal kabilang na
ang anti-fraud chief na si Atty. Thorrsson Montes Keith matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo
dahil sa ginagawa nitong imbestigasyon sa katiwalian sa kanilang tanggapan.
Huling nagkaroon ng kontrobersya sa PhilHealth nang sumabog ang ghost dialysis patient sa
WellMed Dialysis Center sa Quezon City na hanggang ngayon ay wala pa umanong naparurusahan.
Wala rin umanong nangyari at hindi naparusahan ang mga nasa likod ng cataract operation scam,
pneumonia scam at iba pa na daan-daang bilyong piso ang sangkot na halaga.
Dahil dito, sinabi ni Zarate na lalong lumalakas ang loob ng mga sindikato sa PhilHealth dahil alam
nilang hindi sila mahuhuli at maparurusahan sa kanilang pagnanakaw sa pondo ng bayan.
Kinonsensya naman ni Marikina Rep. Estella Quimbo ang mga taong nasa likod ng katiwalian sa
PhilHealth dahil ginagawa nila ito sa panahon na kailangan na kailangan ng mamamayan ang
pondo para mapagamot ang kanilang karamdaman.
“Napakabigat na kasalanan ‘yan,” ani Quimbo kaya muli nitong iginiit na triplehin ang parusa sa
mga tiwali sa nasabing state insurance firm. (BERNARD TAGUINOD)
