Ni NELSON S. BADILLA
WALANG kagatul-gatol na inihayag ni Atty. Thorrsson Montes Keith na mayroong “mafia” sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Si Keith ang legal officer ng PhilHealth Anti-Fraud Division na nagbitiw sa ahensiya nitong Hulyo 23.
Nagpasa siya ng resignation letter kay Ricardo Morales, pangulo at chief executive officer ng PhilHealth, ilang oras matapos magkasigawan sa pulong ang mga opisyal ng PhilHealth noong
Hulyo 22 dahil umano sa korapsiyon sa P2.1 bilyong proyekto ng nasabing ahensiya.
Sa panayam ng GMA News, ang inakusahan ni Keith na mafia o sindikato ay ang executive committee na pinamumunuan ni Morales.
Ani Keith, mistulang mafia, o sindikato, ang pagpapasya ng executive committee sa mga proyekto ng PhilHealth.
“Ang dami po nilang ina-approve na maanomalyang mga project, ‘yung distribution ng Interim Reimbursement Mechanism funds. Bakit nila ina-approve ‘yun at walang pumapalag sa kanila?”
Ang mekanismong IRM ay tungkol sa pamimigay ng pondo sa mga ospital bilang panustos sa pagpapagaling ng mga pasyenteng mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang mga ospital ay kailangang mayroong akreditasyon mula sa PhilHealth upang makatanggap ng milyun-milyong pondo.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, nagamit ng masasamang-loob sa PhilHealth ang “new malevolent scheme” na IRM na maglabas ng milyun-milyong pera sa loob lamang ng isa o dalawang linggo sa ilang ospital na walang akreditasyon sa PhilHealth.
Tatlong ospital sa Region 5 na walang akreditasyon sa PhilHealth ang nakatanggap ng P247 milyon, samantalang dalawa sa Region 8 na P196 milyon ang ipinarating ng mga korap na opisyal ngPhilHealth, bulalas ni Lacson.
Isa nang “rule rather than the exception” ang korapsyon sa PhilHealth, ratsada ni Lacson.
Pinagdudahan din ni Keith ang P2.1 bilyong proyektong information and technology (IT) ng PhilHealth.
Ngunit, hindi niya tinumbok sa GMA News ang korapsyon sa nasabing proyekto.
Sabi ng Commission on Audit (COA), sobra ng P98 milyon ang isang parte ng P2.1 bilyong halaga ng IT project.
Nakatakdang imbestigahan sa Senado at Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang pinaputok ni Keith na panibagong kaso ng korapsyon sa Philhealth.
