CAVITE – Sugatan ang isang 27-anyos na consultant nang masaksak ng ama ng kanyang live-in partner matapos nitong salagin ang patalim sa gitna ng pagtatalo ng mag-ama sa Imus City noong Biyernes ng madaling araw.
Nakatakdang sampahan ng kasong attempted homicide si alyas “Lito”, 45, isang pedicab driver, ng Brgy. Anabu 1-C, Imus City, dahil sa reklamo ni alyas “Jimmy”, 27, live-in partner ng anak ng suspek.
Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang suspek at anak nitong babae sa kanilang bahay sa Brgy. Anabu 1-C, Imus City, bandang alas-12:30 ng madaling araw.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, bumunot ng patalim ang suspek at tinangkang saksakin ang kanyang anak.
Subalit mabilis na pumagitna ang live-in partner ng babae at tinangkang salagin ang kutsilyo na nagresulta sa kanyang pagkakasaksak hanggang sa nadis-armahan niya ang kanyang biyenan at naaresto ito ng nagrespondeng mga kagawad ng barangay.
(SIGFRED ADSUARA)
