ZAMBOANGA DEL NORTE – Dalawang high value target ang nahulihan ng isang kilo ng crystal meth o shabu sa isinagawang anti-narcotics operation ng Philippine Drug enforcement Agency sa Dipolog City sa lalawigan.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, tinatayang P6.8 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng kanyang mga tauhan mula sa PDEA Regional Office 9- Zamboanga del Norte Provincial Office.
Arestado ang mag-asawa sa ikinasang buy-bust operation ng PDEA RO9 Zamboanga del Norte Provincial Office, na kapwa umano itinuturing na mga high value target.
Ayon sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU)-9, kinilala ang mga suspek sa alyas na “Amo”, 37, ng Rizal, Zamboanga del Norte, at Lady Sara, 29-anyos.
Nahuli sila sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-10:07 ng umaga sa Barangay Miputak, Dipolog City.
Nasamsam mula sa kanila ang 20 malalaking heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng halos isang kilo ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska rin ang marked money na ginamit sa buy-bust operation at isang sports utility vehicle (SUV) na ginamit sa drug dealing, ng pinagsanib na pwersa ng PDEA RO9 at PNP RDEU-9, katuwang ang lokal na pulisya, at 97th Infantry Battalion, Philippine Army.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
45
