CAVITE – Patay ang magkapatid na suspek sa pagpatay sa isang fruit vendor, makaraang manlaban umano sa mga awtoridad sa isinagawang hot pursuit operation sa Tagaytay City noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina Denmark Consumo at Ariel Consumo, kapwa nasa hustong edad at mga residente ng Brgy. Halang, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat ni Corporal Braiann Balani ng Tagaytay City Police Station, dakong alas-11:00 ng umaga noong Linggo, nagsagawa ng hot pursuit operation ang pinagsamang puwersa ng Naic Police Station, Force Commander at Tagaytay CPS sa Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago ang mga suspek sa bahay ng kanilang kamag-anak sa nasabing lugar.
Ngunit nanlaban umano ang magkapatid na nagresulta sa kanilang kamatayan.
Ang magkapatid ay suspek sa pagpatay kay Richard Ellaran, 35, residente ng Bronze Ville Subd., Brgy. Halang, Naic, Cavite noong Oktubre 14, 2021.
Suspek din ang dalawa sa nangyaring barilan noong Abril 21, 2021 sa Belmont Subd., Brgy Halang, Naic, Cavite.
Si Denmark ay dating nakulong dahil sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) noong 2019 at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002) noong 2017. (SIGFRED ADSUARA)
172 